Nahinto ang taping nina Diego Loyzaga at Cristine Reyes para sa Encounter, ang Saturday night drama series nila sa TV5.
Ito ay dahil sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) na muling ipinatupad noong March 29, 2021 para mabawasan ang mataas na kaso ng COVID-19 sa National Capital Region at sa mga lalawigan ng Laguna, Rizal, Cavite, at Bulacan.
“Hindi pa kami tapos,” sabi ni Diego tungkol sa naudlot na taping nila ni Cristine para sa Philippine adaptation ng 2018 South Korean drama na pinagbidahan nina Song Hye-kyo at Park Bo-gum.
Dagdag niya, “Quarantine na naman, e. Paused muna, yun lang ang sasabihin ko. Paused lang siya.”
Walang idea si Diego kung kailan magpapatuloy ang taping ng Encounter kaya ipinagdarasal niyang matapos na ang coronavirus pandemic dahil mahirap ang sitwasyon at maraming tao na ang nasasalanta.
Kahit apektado ng ECQ ang kanilang mga trabaho, may dapat ipagpasalamat sina Diego at Cristine dahil sa mahigit dalawang milyong piso (P2,620,220) na napanalunan nila nang maglaro sila sa charity special ng The Wall Philippines, ang game show ni Billy Crawford sa Kapatid Network, kagabi, April 10.
Noong March 13, 2021 ang pilot telecast ng The Wall Philippines, pero sina Diego at Cristine ang kauna-unahang celebrity contestants at una ring nag-uwi ng malaking premyo.
Makikinabang sa pera na napanalunan ni Diego ang Ang Bahay Parola, ang child welfare agency na sinusuportahan niya.
Samantalang ibibigay ni Cristine ang premyo nito kay Frankie Rivera III, ang ama ng kanyang kaibigan na may karamdaman at nangangailangan ng financial assistance para sa medical expenses.