Comparable sa mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) at ng National Bureau of Investigation (NBI) ang abilidad ng netizens na nagsagawa ng sariling imbestigasyon tungkol sa mga kababaihang sumalakay at tumangay sa mga pagkain sa community pantry ng Bo. Kapitolyo, Pasig City, kahapon, April 19.
Dahil sa atensiyong ibinigay ng mga news program sa pangyayari, mabilis na nalaman ng netizens ang pangalan at tirahan ng isa sa mga babaeng pinaratangan na gahaman dahil sa pagtangay sa dalawang trays ng itlog mula sa community pantry.
Nang sitahin, nagdahilan ang babae na ipamimigay niya sa kanyang mga kapitbahay ang mga itlog.
Kaliwa’t kanan ang mga batikos at insulting memes sa social media ang natatanggap ngayon ng babae na residente ng Bo. Kapitolyo. Ito ay dahil sa masasakit na salita laban sa kanya ng sambayanang Pilipino na kinokondena ang magaspang na ugaling ipinamalas niya.
May suot na face mask ang babae na M.A. ang initials ng pangalan, pero nabalewala ang proteksiyon ng maskara para maitago niya ang pagkakakilanlan dahil natukoy ng masisigasig at imbestigador na netizens ang kanyang tunay na pagkatao.
Nadamay sa ginawa ng babae ang asawa nito dahil nagtatanong ang publiko kung wala bang "itlog" ang kanyang mister (pun intended) kaya naatim niyang iuwi ang dalawang trays ng itlog.
Mas marami sana ang nakinabang sa mga itlog kung hindi umiral ang kasakiman nila ng kanyang mga kasama.
Mahihirapan si M.A. na itanggi ang kanyang pagkakamali dahil dokumentado ng video at mga litrato ang pagsalakay nila ng mga kakuntsaba niya sa community pantry.
Si Carla Quiogue ang organizer ng community pantry sa Bo. Kapitolyo, at ang post niya tungkol sa hindi makatao at makatarungang ginawa ng kanyang mga kabarangay ang instrumento kaya naging malaking balita ang pagsalakay ng mga salarin.
Ang insidente rin ang naging dahilan para dumami ang bilang ng mga nagbibigay ng donasyon para sa itinatag ni Carla na community pantry na may layuning mabigyan ng libreng pagkain ang ating mga mahihirap na kababayan na lubhang naapektuhan ng coronavirus pandemic.
Ngayong Martes ng hapon, April 20, ibinalita ni Carla sa pamamagitan muli ng kanyang Facebook post ang mga donasyong natatanggap niya mula sa mga kababayan nating may mabubuting kalooban.
Mensahe niya, “We are overwhelmed with donations coming in. Mukhang hindi na po kakayanin ng lifetime table at payong.
"Marami na rin donation dito sa Kapitolyo Community Pantry.
"We have decided to just roam around nearby areas and look for other community pantries and give donations to each of them.
"Maraming salamat po sa mga nag-donate at nagdo-donate. Tuloy-tuloy lang po ang pagtulong. Naghahanap lang kami ng safer way to do it."