May mga nag-aalok kay Ai-Ai delas Alas ng COVID-19 vaccine, pero tinanggihan niya dahil sa kanyang paniniwalang dapat maunang turukan ang mga senior citizen at ang ating mga kababayang mahirap ang pamumuhay
Ito ang madalas sabihin ni Ai-Ai sa mga nag-aalok sa kanya ng COVID-19 vaccine: “Ayokong mauna. Marami ang mas nangangailangan sa atin na mabakunahan. Maraming matatanda diyan, maraming mahihirap na kailangan ng bakuna, sasama pa ba ako?"
Tulad ng maraming Pilipino, nakaapekto kay Ai-Ai ang coronavirus pandemic dahil naranasan niyang malagas ang kanyang buhok noong nakaraang taon.
May kinalaman umano sa panlalagas ng buhok niya ang mga malulungkot na balita tungkol sa pandemya kaya lalong sumidhi ang kanyang panalangin sa Panginoon na matapos na ang malaking problema ng buong mundo.
"Tatanggapin mo na lang nang maluwag sa puso mo na ito yung nangyari sa buhay natin, and I think more prayers. Dasal lang nang dasal.
"Dapat ngayon, mas i-encourage natin na let’s pray. Sama-sama tayong magdasal.
"Sana yung buong mundo, may isang araw na magdarasal lang tayo, kahit one minute lang.
"Baka yun ang kailangan natin. Baka yun ang gusto ng Diyos.
"Siya lang ang nakakaalam nito, kung kailan ito matatapos.
"Alam ba natin na darating ito? Di ba, Siya lang ang nakakaalam at Siya lang ang may kakayahan na tapusin ito?"
YOUTUBE CHANNEL
Ang kanyang YouTube Channel—na pinag-usapan dahil sa kanyang bikini outfit habang nagluluto—ang pinagkaabalahan ni Ai-Ai nang muling ipatupad sa National Capital Region ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) na sinundan ng Moderate Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Alam ni Ai-Ai na binatikos ng bashers ang kanyang pagsusuot ng two-piece swimsuit nang magluto siya ng two-piece butter milk chicken.
Pero hindi apektado ang Comedy Queen dahil may kapalit itong maganda—ang sponsorship ng Hobe Pancit sa kanyang YouTube channel.
"Gusto ng Hobe na magluto ako ng pansit at dalhin sa community pantry para marami ang makinabang.
"Pero ang gagawin ko, ibibigay ko ang pansit sa pari na kaibigan ko at bahala na ang simbahan na mamigay dahil nakakatakot ang sitwasyon ngayon.
"Alam naman natin na kapag magkakadikit, bawal ‘yon, baka magkahawahan. Dapat hindi masyadong marami ang mga tao.
“'Yan ang magiging problema sa community pantry kasi may mga hindi sumusunod sa physical distancing.
“Isa rin ‘yan sa problema kaya dumami ang kaso ng COVID, yung iba hindi talaga gumagamit ng mask at face shield. Kailangan talaga natin ng self-discipline,” saad ni Ai-Ai.