Kumplikasyon sa coronavirus ang ikinamatay ng Jukebox King na si Victor Wood noong April 23, 2021.
Pero matapos mapabalita ang pagpanaw niya noong nakaraang Biyernes, hindi na nalaman ng publiko ang ibang mga detalye tungkol sa kanya.
Ang pamangkin ni Victor na si Michael Testado ang nagbigay sa Cabinet Files ng mga karagdagang impormasyong may kinalaman sa pumanaw na singer-actor.
Si Michael ay anak ng nakatatandang kapatid na babae ni Victor na si Maria Testado. Naglingkod siya bilang assistant ng Jukebox King mula 1999 hanggang 2002 kaya sapat ang kaalaman niya tungkol sa buhay ng kanyang namayapang tiyo.
Kung may ikinalulungkot man si Michael at ang pamilya nila, hindi sila nabigyan ng pagkakataong mapaglamayan ang bangkay ni Victor dahil sa ipinatutupad na COVID restrictions.
Lahad ng pamangkin ng singer, "Family lang nina Nerissa [asawa ni Victor] ang naglamay. Late na namin nalaman na ililibing na siya the next day, April 24.
"Hindi rin namin masisisi si Nerissa dahil nalilito na rin siya. Naaawa kami sa kanya dahil exposed pa siya.
"Nakita lang namin siya [Victor] through video call. Kahit papaano, nakita namin ang last moment niya sa kanyang kabaong.
"'Tapos, noong araw ng libing [sa isang memorial park sa Montalban, Rizal], naki-convoy na lang kami para maiwasan ang exposure sa COVID. We maintained a safe distance.
"At yung ibang nakipaglibing, totally, hindi na bumaba mula sa kanilang mga sasakyan.
"But my mother and other relatives, hindi napigilang hindi bumaba."
Kahit kumplikasyon sa coronavirus ang ikinamatay ni Victor, hindi siya ipina-cremate ng kanyang pamilya dahil hindi raw ito pwede sa simbahan na kinaaaniban niya.
"Hindi pwedeng i-cremate kapag member ng Iglesia Ni Cristo kaya dapat within 24 hours ay mailibing siya.
"Kaya sobrang lungkot ng pamilya namin dahil hindi na namin siya nabigyan ng last respect and honor because of the situation," dagdag na pahayag ni Michael.
May paglilinaw rin siya tungkol sa tunay na edad ni Victor.
Ayon sa panayam kay Nerissa, 74 years old ang kanyang pumanaw na asawa. Pero kinumpirma ni Michael na 75 years old na si Victor nang bawian ito ng bahay.
Sabi ni Michael, "Nalito rin po ako nung marinig ko na 74 years old, pero mas sure ako na 75 years old na siya."
Dagdag pa niya, "May anak siyang lima sa kanyang tunay na pamilya; dalawa sa second family niya; at isang anak kay Nerissa, si Victoria Wood.
"Yung ibang anak niya, ang mother ko ang may alam. Ang alam ko, may isa pa siyang anak na pinaka-panganay sa lahat.
"Wood talaga ang apelyido niya dahil American ang father niya. Pero Nobleza ang gamit niya from his mother’s surname kaya Victor Wood Nobleza ang pangalan niya."