Hindi mabibigo ang mga kalalakihang nagpapantasya kay AJ Raval dahil itinodo nito ang pagpapaseksi sa kanyang launching movie, ang mystery love story na Death of A Girlfriend.
Nagsimula na ang streaming ng Death of A Girlfriend sa VivaMax nitong Biyernes ng madaling-araw, April 30.
Si Jeric Raval ang ama ni AJ, at prangka siya sa pagsasabing hindi niya suportado ang wet look scene ng kanyang anak sa Paglaki Ko Gusto Kong Maging Pornstar.
Kung panonoorin ni Jeric ang Death of A Girlfriend, hindi imposibleng tumindi ang pagtutol niya sa landas sa showbiz na tinatahak ni AJ.
Walang binatbat ang mga eksena ni AJ sa Pornstar sa kanyang mga ginawa sa launching movie niya, at lalong maiintindihan ng mga tao ang pinagmumulan ng mahigpit na pagkontra ni Jeric.
Maganda ang kuwento ng pelikula at disente ang execution ng direktor na si Yam Laranas sa love scenes nina AJ at Diego Loyzaga sa Death of A Girlfriend, pero tiyak na maeeskandalo ang conservative audience.
Sina Arnold Reyes at Raul Morit ang co-stars nina AJ at Diego sa Death of a Girlfriend.
Si Arnold ang gumanap na forest ranger at si Raul ang magsasaka na parehong saksi sa karumal-dumal na krimeng nangyari sa kagubatan.
Kasama sa cast ang character actor na si Soliman Cruz bilang imbestigador, pero boses lamang niya ang maririnig mula umpisa hanggang sa katapusan ng pelikula na maikukumpara sa critically-acclaimed movies na Rashomon at Salome.
Ang Rashomon ang 1950 drama-crime film ng acclaimed Japanese director na si Akira Kurosawa.
Si Laurice Guillen naman ang direktor ng Salome, ang 1981 movie na pinagbidahan ni Gina Alajar.
Sa Death of A Girlfriend, ang mga karakter nina Diego, Arnold, at Raul ang inimbestigahan dahil sa brutal na pagpaslang at panggagahasa kay Christine (played by AJ).
Pero magkakaiba ang kanilang mga testimonya at malalaman ng manonood sa katapusan ng pelikula ang shocking twist.
Mahusay na nagampanan nina Arnold at Raul ang mga papel na ipinagkatiwala sa kanila, at ibang Diego ang mapapanood sa Death of A Girlfriend dahil sa sari-saring emosyon na ipinamalas niya.
"Everyone will be in for a surprise. For everyone’s information, there’s a fifth character na hindi ipinapakita sa screen and it’s played by a great actor, si Sol Cruz,” sabi ni Laranas.
Nagtagumpay ang direktor na gawing kapana-panabik ang bawat eksena, kahit lima lamang ang mga tauhan ng kanyang pelikula.
Kinunan sa kagubatan ng Tanay, Rizal ang kabuuan ng Death of A Girlfriend na may working title noong Loving Christine.