Hindi pumapayag si Mrs. Chit Dodd na magpainterbyu kaya malaking sorpresa sa kanyang anak na si Sue Ramirez ang pagpayag nitong humarap at magsalita sa digital conference ng Mommy Issues tungkol sa kanilang relasyon bilang mag-ina.
"First time ito na nangyari. Hindi ito ginagawa ng mommy ko," gulat na gulat na reaksiyon ni Sue nang makita nito ang nanay niya sa Zoom presscon ng Mother’s Day presentation ng Regal Entertainment, Inc.
Hindi napigilan ni Sue ang pagtulo ng kanyang luha habang pinakikinggan ang mensahe ng nanay niya.
Ayon kay Chit, “She’s the apple of our family. She’s the youngest among the siblings and also among the cousin, so talagang apple of the eyes siya ng lahat.
“To give justice to Sue Anna, responsible ‘yan kahit na noon pa. At alam naman niya na hindi siya naghirap, like other actresses na talagang dumaan sa hirap.
"Hindi naman siya galing sa mayaman pero hindi naman siya ganoon kahirap. We’re just in the middle of everything.
"Kasi lahat naman kami nagtatrabaho, and even she, lahat naman ng mga kapatid niya, walang umaasa sa kanya.
"So it’s up to her to manage her finances. Ganoon lang kasimple ang buhay namin."
Ayon pa sa ina ni Sue, "Bahala ka sa buhay mo, bahala kami sa buhay namin, but make sure, honorable ka. Na you’re always on the right track.
"Yung values, being a friend, kahit ano, basta ang value mo, huwag mong kalimutan and preserve your dignity as a woman."
Namumuhay na ngayon nang solo si Sue sa Pilipinas kaya bihira na silang magkita ng ina na nasa Amerika naman.
Ang maging successful ang showbiz career ang mahigpit na bilin ni Chit sa kanyang anak, kasunod ang bantang pauuwiin niya sa Amerika si Sue kapag hindi ito nagtagumpay.
NOT MEDDLING WITH SUE'S MONEY
Binanggit din ni Chit na hindi siya nakikialam sa pera ni Sue.
Sabi ng ina ng aktres, “Mula’t sapul, yun ang training sa kanila and being independent. Kaya alam nila ‘yan, ni hindi ko alam yung kinikita ng anak ko.
“Sabi niya, ‘Mommy, may pera ka ba?’ Sabi ko, 'Meron naman.' 'Kung meron ka, e, di bigyan mo ako.'
"Parang kapatid ko lang kasi ang trato ko sa kanila, pero hindi sila puwedeng mag-abuso. Kapag nag-abuso sila, ay palpak!"
Patuloy ni Chit, “I hope maging successful ang field of industry na gusto niya.
"Kasi sabi ko, 'Kung hindi ka maging successful, you can go to the States.'"
Kinumpirma ni Sue na may banta ang kanyang ina na ipapa-deport siya sa Amerika kapag hindi niya pinagbuti ang propesyong pinili.
Natawa at nagtaka si Sue sa mga sinabi ng kanyang ina kaya tanong niya: "Bakit mo ako pinapagalitan? Dapat ano ito, masayang message. Bakit mo ako sinesermunan?'"
Maagap na sagot ng ina ni Sue, "Maganda naman yung message ko, ah.
"I am a mother, di ba? Yun ang feeling ng mother, di ba? Kailangan i-share mo.
"So, ganoon nga ang trato ko sa pamilya namin na talagang do your own but make sure na dignified ‘yan.
"Na walang cheating ‘yan. Na through the rule, na a kapag may narinig kayo dahil sa industriya niyo, maraming mang-iintriga.
"But then, you still have to go back to yourself and close your eyes, 'Am I that right? Am I that wrong?'
“Siguro ang wish ko na lang sa kanya na maging matinong tao siya.”
SUE'S MESSAGE FOR HER MOTHER
Muling napaluha si Sue nang siya naman ang hingan ng mensahe para sa nanay niyang nagpakita sa publiko sa kauna-unahang pagkakataon.
Saad ng Kapamilya actress, "I’m just always grateful that I am the person that I am because of her. All that I am talaga is because of my mom.
"I would like to say that I was raised well and that’s all thanks to her.
"I think all the positive things that people say about me is because of her. It’s because of how she raised me, how she taught me, how she brought me to this world.
"So, I’m very very grateful..."
Dagdag pa ni Sue, "Definitely, I’m a mommy’s girl.
"Every night, I sleep beside my mom. And up to this day, sinusubuan pa ako ng mommy ko kapag kumakain kapag nandoon ako sa bahay namin.
"Yung mommy issues, ngayon na lang dumadating since medyo nag-mature-mature nga ako and nag-moved out na ako.
"Wala na akong masyadong time para makasama sila, but I try to really give time to her naman as much as I can."