Halos sampung libo ang bilang ng mga komento ng netizens sa survey ng GMA Public Affairs tungkol sa sahog na dapat ilagay sa tinola—papaya o sayote?
Ang pagkabagot na dulot ng coronavirus pandemic ang isa sa mga posibleng dahilan kaya marami sa mga kababayan natin ang lumahok sa mababaw pero pumukaw sa kanilang interest na survey ng GMA Public Affairs.

Ang Kapamilya broadcast journalist na si Karen Davila ang isa sa mga nagkomento. Para sa kanya, sayote ang nararapat na ilagay sa tinola.
Ang pagsali ni Karen sa survey ng GMA Public Affairs ang nag-udyok sa netizens para magtanong kung babalik na ba siya sa kanyang dating home network?

Hindi naman napigilan ng comedian na si Jerald Napoles na sumali sa diskusyon.
Aniya, “A wise man once said: Papaya sa tinola? Kadiri ang dip*ta!! And I thank you.”
Sa kanyang pangalawang sagot, nagsalita si Jerald ng “Eh bobo pala ng mama mo eh. Naglalagay ng prutas sa ulam n’yo eh. And I thank you.”

PAPAYA AND SAYOTE ARE FRUITS
May katotohanan ang sinabi ni Jerald na isang uri ng prutas ang papaya.
Pero ayon sa www.webmd.com, prutas din ang kategorya ng sayote (chayote squash o Sechium edule) pero kinakain itong parang gulay.
Naging palaisipan sa amin ang survey ng GMA Public Affairs kaya para sa ikapapanatag ng kalooban ng mga nalilito, inalam namin ang opinyon ng multi-awarded actress na si Judy Ann Santos, na hindi matatawaran ang husay sa pagluluto ng mga pagkain.
“Well, mas nakasanayan yung sayote ng ibang mga tao… Personally, mas gusto ko ang papaya sa tinola. Iba yung tamis and bite ng papaya,” sagot ni Judy Ann na harinawang magbigay-tuldok sa diskusyon kung papaya o sayote ba ang nararapat na ilagay sa tinola.