Hindi makapaniwala si AJ Raval na number one sa VivaMax ang Death of A Girlfriend na nagsimula ang streaming noong April 30, 2021.
Pero nagpapasalamat siya sa suporta ng publiko sa mystery love story movie na pinagbibidahan nila ni Diego Loyzaga at mula sa direksiyon ni Yam Laranas.
“I m so very happy and grateful knowing na kahit baguhan pa lang po ako, nag- number one sa VivaMax ang Death of A Girlfriend,” sabi ni AJ tungkol sa mainit na pagtanggap ng mga tao sa kanyang launching movie.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na tutol na tutol sa pagpapaseksi ni AJ sa pelikula ang kanyang action-star father na si Jeric Raval.
Hiningi namin ang reaksyon ni AJ sa mga revealing scene niya sa Death of A Girlfriend.
“Actually, sabay-sabay kami ng family ko na nanood ng Death of A Girlfriend sa bahay namin. Naka-focus ang lahat sa story, napakaganda raw ng plot kaya very proud sila para sa akin.
“Pero ang tatay ko po, alam ko na hindi po talaga siya matutuwa kapag napanood niya and, I’m sure, hindi rin niya po panonoorin ang pelikula ko.
“Pero alam ko po na bilang artista ay mauunawaan niya na ang mga ginagawa ko ay trabaho lang.
“Malakas din naman po ang tiwala ko sa Viva na hindi lang po ganito ang mga project ang ibibigay nila sa akin,” pahayag ni AJ sa exclusive interview sa kanya ng Cabinet Files.
SCORPIO NIGHTS AND ISLA REMAKES
Sa virtual presscon ng Death of A Girlfriend noong April 8, 2021, ibinalita ni AJ na siya ang magbibida sa remake ng Scorpio Nights. Pero hindi kumpleto ang detalye na kanyang ibinigay.

Anna Marie Gutierrez in Scorpio Nights
Hindi lamang ang Scorpio Nights ang gagawin ni AJ dahil siya rin ang napili bilang lead actress ng remake ng Isla, ang bold film na pinagbidahan ni Ma. Isabel Lopez noong 1985 at mula sa direksyon ng pumanaw na direktor na si Celso Ad Castillo.

Noong 1996, muling isinapelikula ng Viva Films ang Isla, si Via Veloso ang bida at si Celso pa rin ang direktor.
Pero sa pangatlong version ng Isla, Nerissa na ang gagamiting pamagat ng pelikula dahil Nerissa ang pangalan ng karakter ni AJ.