Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Angelica Panganiban tungkol sa kanyang tweet kahapon, May 25, na "uso ang palakasan" sa swab testing facility ng Red Cross sa Subic, Zambales.
Inalmahan ito ng frontliners ng Red Cross Subic.
Hindi pinalampas ng mga sangkot sa isyu ang rant ni Angelica dahil wala diumanong katotohanan ang paratang ng aktres.
Isang frontliner ng Red Cross Subic ang nag-tweet din kahapon ng sagot niya sa reklamo ni Angelica.
Sabi nito: “Swabber/ Frontliner lang po kami ma’am. Maraming may kailangan po ng service namin, not just you.
"Hindi po kami artista na need pansinin yung mga taong privilege masyado. Lalo na yung nakahiga lang naman sa kotse nya while sina-swab yung kasama niya."

Sinabi rin ng frontliner na ito ang nag-swab sa boyfriend ni Angelica kaya may karapatan siyang sumagot, at ipinararating niya sa aktres na magpa-swab na lamang ito sa iba para maging priority.
Kinuyog si Angelica ng netizens na naniniwalang mali ang pagrereklamo niya laban sa staff ng Red Cross Subic, pero hindi na siya kumibo.
Makabubuti nga sigurong manahimik na lamang si Angelica dahil may closure na ang kontrobersiya na inumpisahan niya.
Isang insider ang nagsabi sa Cabinet Files na pinahihinto na ng mga big boss ng Red Cross Subic ang staff nila sa pagsasalita tungkol kay Angelica para hindi na lumaki pa ang isyu.
Walang nagawa ang Red Cross Subic staff kundi sundin ang utos ng kanilang mga superior, pero nagpapasalamat sila sa libu-libong netizens na ipinagtanggol sila laban sa Twitter rant ni Angelica.