Ang movie theater industry sa buong mundo ang isa sa matinding naapektuhan ng coronavirus pandemic.
Mahigit isang taon nagsara ang mga sinehan kaya malaki ang epekto nito sa movie industry.
Pero unti-unti nang bumabalik sa normal ang pamumuhay ng mga tao sa Amerika, at ang pagbubukas ng mga sinehan ang isang matibay na palatandaan nito dahil marami na ang mga naturukan ng COVID-19 vaccines.
Isang Filipino-American na matagal nang residente sa Los Angeles, California ang nakausap ng Cabinet Files. Siya ang nagkuwento tungkol sa pagbabalik ng mga tao sa panonood ng mga pelikula sa mga sinehan.
“Nasabik sila sa panonood ng sine kaya pati ang mga lumang pelikula na ibinalik sa mga sinehan, pinanonood nila, like yung Jurassic World: Fallen Kingdom na unang ipinalabas noong 2018, palaging sold out ang tickets.
“May mga bata ring nanonood ng sine dahil may pelikulang pambata na palabas ngayon—ang Raya and the Last Dragon at ang Japanese movie na Demon Slayer-Kimetso no Yaiba The Movie: Mugen Train—kaya palaging puno ang mga sinehan.
“Maluwag na dito sa California dahil hindi na nire-require ang checking ng body temperature kapag papasok ka sa mga sinehan, basta fully-vaccinated ka na.
“Kapag grupo kayong pumasok sa sinehan, puwedeng magkakatabi kayo sa upuan. Pero kapag nag-iisa ka lang, may dalawang silya na bakante.
“Sa mga mall naman, hindi na rin required ang mga face mask, depende na lang sa mga gustong magsuot pa rin ng face mask,” kuwento ng ating kababayan tungkol sa sitwasyon sa mga sinehan sa Amerika matapos mabigyan ng COVID-19 vaccine ang karamihan ng mga residente.
Inaasahang paiiralin na ang full capacity sa mga sinehan sa Amerika ngayong June 2021 dahil malapit nang i-release ang blockbuster movies gaya ng Fast and Furious 9 at The Conjuring.
Sa kasalukuyan, ang Cruella ng Walt Disney Pictures at ang A Quiet Place Part ll ang mga pelikulang pinipilahan sa sinehan ng American citizens, na nasabik sa panonood ng sine dahil kakaiba pa rin ang karanasang hatid ng wide screen.
Kung halos normal na ang takbo ng movie theater industry sa Amerika, wala pa ring katiyakan ang pagbubukas ng mga sinehan sa Pilipinas.
Kaya isinilang ang mga streaming site na VivaMax, Upstream.ph, at ktx.ph sa panahon ng coronavirus pandemic.
Pero kung sakaling magbukas na ang mga sinehan sa Pilipinas, puwedeng-puwedeng ibalik at ipalabas sa movie theaters ang mga pelikulang unang ini-release sa streaming sites.
Mas marami kasi ang bilang ng mga Pilipino na gustong manood sa wide screen kesa sa kanilang mga cellphone at computer laptop.
Use these Nike promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.