Trending pa rin hanggang ngayong araw, June 5, 2021, sa Twitter ang viral na fried towel.
Pero bukod sa Jollibee, ang isa pang topic ng netizens ay ang show ni Raffy Tulfo.
Nabaling ang batikos ng netizens kay Alique Perez, ang customer na nagpa-deliver ng ChickenJoy pero fried towel ang natanggap mula sa BGC Stopover branch ng Jollibee sa Bonifacio Global City.
Ito ay dahil nagreklamo ito sa Raffy Tulfo in Action noong June 2, isang araw matapos niyang i-post ang insidente sa Facebook.
Base sa mga tweets, since nag-viral na ang post at pinick-up ng mga publications, kabilang ang NYpost.com sa U.S. at Metro.co.uk, hindi na ito dapat idinulog pa sa programang nilalapitan ng mga may problemang mahirap i-resolba.

Narito ang ilan sa mga tweets:

Noong Huwebes, June 3, binasa ni Raffy ang opisyal na pahayag ng Jollibee management, na nagdesisyong isara ang branch sa loob ng tatlong araw.
Umabot sa sampung libo ang mga komento ng netizens sa official YouTube Channel ng Raffy Tulfo In Action, at makikitang marami ang nagtatanggol at nagpapakita ng suporta sa fast-food chain.
Hindi na pinag-usapan sa programa ang mga batikos ng netizens laban kay Perez, pero nilinaw ng brodkaster na naniniwala siyang walang kasalanan ang Jollibee dahil kapabayaan ng tauhan ang nangyari.
“Walang problema po iyong kompanya. Jollibee is a respected company, deka-dekada na po ito doing business, serving the community, the country, even sa ibang bansa, the Filipino people.
“Maayos naman ang pamamalakad ng Jollibee kaya lang kung minsan, hindi mo naman puwedeng iasa ang lahat ng gusto mong mangyari sa iyong mga tauhan.
“Dapat binabantayan pa rin talaga. In this case, nagkamali naman ang kanilang mga tauhan na labas naman ang Jollibee,” ang bahagi ng pahayag ni Tulfo tungkol sa fried towel incident na tinutukan ng sambayanang Pilipino.
“Hopefully, dito na po matapos itong problemang ito and marami sanang natutunan tayong lahat, especially iyong mga nagtitinda ng mga hamburger, ng mga chicken and I believe, lahat ng kompanya—ang purpose nila ay para magbigay ng maayos na serbisyo at produkto sa kanilang mga customer,” dagdag na pahayag ni Raffy.
Pero hanggang sa ngayon, June 5, at 9:38 p.m., ongoing pa rin ang diskusyon sa Twitter.
Samantala, may 102,000 reactions, 2,000 comments, at 87,000 shares na ang post ni Perez sa Facebook.
Sinubukang ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na padalhan siya ng message sa pamamagitan ng Facebook messenger, pero ayon sa auto-message: "This account can't receive your message because they don't allow new message requests from everyone."
Bukas ang PEP.ph at Cabinet Files sa anumang pahayag ni Perez tungkol sa isyu.