Napaiyak si Mahal dahil sa sobrang galit nang mabasa niya ang Facebook post ng kanyang kamag-anak na hindi boto sa malalalim na pagkakaibigan nila ng 35-year-old YouTuber na si Mygz Molino.
“Hindi ako ginagamit ni Mygz! Sinisira ninyo ang tandem namin.
"Ang masasabi ko diyan, magka-tandem kami ni Mygz. Huwag niyo po kaming huhusgahan, huwag po ninyo kaming pakialaman.
“Habang buhay na ang tandem namin. Hanggang sa uugod-ugod na ako, hanggang sa mawala ako sa mundo!” lumuluhang pahayag ni Mahal sa Cabinet Files ngayong Sabado ng hapon, June 12.
Nag-umpisang magsama ang dalawa sa iisang bubong noong July 2020 dahil si Mygz ang tumutulong at gumagabay kay Mahal sa personal na buhay at showbiz career nito.
"GINAGAMIT KA LANG NG G*G*ONG 'YAN!"
Pero makalipas ang labing-isang buwan, lumitaw ang katotohanang tutol ang mga kamag-anak ng 46-year-old comedienne sa kanilang relasyon.
Litanya ng isang kamag-anak ni Mahal sa burado nang post sa Facebook page ng komedyante:
“Mahal! Hindi mo na kailangan magpalimos ng pagmamahal ng ibang tao. Ang pagmamahal ng isang pamilya ay sapat na, umuwi ka na dito sa atin.
“Kaya mo naman mag-blog kasama ang ang pamilya mo. Nandiyan din naman mga pamangkin mo na tutulong sa pag-e-edit ng mga videos mo na i-upload. Hindi mo na kailangan ‘yang bastos na ka-tandem mo.
“Lahat kami dito naiinis at nagalit sa gagong ‘yan, ilang beses ka na ipaiyak kahit prank lang yun, masakit para sa amin na umiiyak ka. Ayaw lang naman na maulit uli ang nangyari sa 'yo nuon.
“Tapos sasabihin niya na kita mo sa YouTube sa 'yo lamang. Aba dapat lang noh. Bakit kumita naman din siya sa 'yo ah.
“Ginamit ka lang gagong ‘yan, tapos sasabihin niya hindi ka niya ginagamit. Kalokohan ‘yan Mahal.
"Yung pagpa-prank, hindi ba ginamit ka para maka-views at makapera? Lokohin niya bitlog niya.
“Ang masaklap napanood ng papa mo at kapatid, pati na rin mga pamangkin mo na umiiyak ka. Taga-Bicol, nagalit sa pinaggagawa ng gagong ka-tandem mo na ‘yan at ang sabi, umalis ka daw diyan kasi dilikado sa kalusugan mo na lagi ka na lang pinaiiyak.
“Akala lahat namin dito, iba siya sa lalaking nakasama mo noon, mas masahol pa pala ang hinayupak na ‘yan. Galit kami lahat sa kanya dito.
“Walang ibang magmamahal sa ‘yo Mahal kondi mga pamilya mo lang, period. Umuwi ka na sa atin, hintayin ka namin.”
"BUHAY KO ITO."
Palaisipan kay Mahal kung paano nabuksan ng hindi niya pinangalanang kamag-anak ang kanyang Facebook account kaya nabasa ng followers niya ang mga masasakit na paratang laban kay Mygz.
“Walang akong idea kung sino ang naglabas,” sabi ni Mahal sa pakikipag-usap nito sa Cabinet Files tungkol sa reklamo ng kanyang mga kamag-anak laban kay Mygz.
“Huwag na silang makialam sa desisyon ko dahil buhay ko ito. Huwag nilang idadamay si Mygz dahil tinutulungan niya ako.
“Naiinggit siguro kaya gusto nila akong kunin. Hindi ako sasama! Anong gagawin ko sa Bicol, magtatanim ng kamote?
“Ngayon pa lang ako nakakabawi sa magulang at sa pamilya ko sa mga pagkukulang ko sa kanila. Bakit ako pauuwiin, wala naman ako gagawin sa Bicol?
“Huwag n’yo rin idadamay ang mga pamangkin ko. Hindi sila marunong mag-edit ng video, maliliit pa sila! Nag-aaral pa yung mga bata, pati ang mga kapatid ko, huwag ninyong idadamay!” lumuluhang pakiusap ni Mahal.
Plano ni Mahal na palitan ang password ng kanyang Facebook page para hindi na ito magalaw ng mga kamag-anak niyang inaakusahan si Mygz ng panggagamit at pananamantala sa diminutive comedienne.