Tila hindi pa nalalampasan ng twentysomething actor ang pinagdaraanang pagsubok kaya hindi pa siya active sa social media at bihirang-bihirang magpakita sa publiko.
Nagsimula ang depression ng aktor nang kumalat ang mga video scandal niya na mahirap itanggi dahil bukod sa malinaw na malinaw, kitang-kita ang kanyang mukha.
Malaki ang kapalit o kabayaran ng pagkakaroon ng video scandal ng aktor.
Nawalan siya ng mga product endorsement na milyong piso ang halaga at naglaho rin ang pangarap niyang makita ang sarili sa TV commercials at malalaking billboard sa major roads.
Nakaapekto rin ang video scandal sa original series na tinampukan ng aktor dahil hindi na siya nakadalo sa virtual media conference nito.
Una, wala nang lakas ng loob ang aktor na humarap sa entertainment press dahil sa nararamdamang depression.
Pangalawa, nag-alala siyang baka tanungin lamang tungkol sa eskandalong kinasasangkutan.
Matindi ang epekto ng video scandal sa buhay ng aktor dahil siya ang breadwinner ng pamilya.
Pero kung may dapat sisihin, walang iba kundi siya rin.
Naging mapusok ang aktor na hindi naging maingat dahil siya mismo ang source ng matibay na ebidensiya.
Hindi siya natuto ng leksyon mula sa karanasan ng ibang male showbiz personalities na nasangkot sa mga video scandal controversy, pero bumalik na ngayon sa normal ang pamumuhay dahil maluwag sa loob na tinanggap ang kanilang mga pagkakamali.
Ito ay sa kabila ng katotohanang habampanahon nang nakalagay sa Internet ang mga video na ginawa nila at pinagsisisihan nang husto.