Maraming interruption o pagkagambala ang nangyari sa live virtual presscon ni Senator Manny Pacquiao ngayong Sabado ng hapon, July 3.
Ilang beses na nahinto ang pagsasalita ni Pacquiao dahil sa mga boses ng mga taong biglang sumingit at hindi nag-mute ng audio kaya rinig na rinig ang mga sinasabi nila.
Rudely interrupted si Pacquiao sa virtual presscon niya dahil sa isang lalaki ang paulit-ulit na nagmura nang malakas kaya natahimik ang lahat, pati na ang Pambansang Kamao.
May pagkakataon ding sinasagot ni Pacquiao ang tanong sa kanya, pero biglang sumingit ang malakas na jingle ng isang radio station.
Nagpatawag ng virtual presscon si Pacquiao dahil ipinakita nito sa publiko ang makakapal na dokumento sa ibabaw ng kanyang mesa na magsisilbing ebidensiya at magpapatunay sa paratang niyang talamak ang corruption sa administrasyon ni President Rodrigo Duterte.
"Nalulula po ako dun po sa binanggit ko kanina na isang isyu lamang, P10.4 billion na po kaagad yung binabanggit ko po. Malaking pera po," sagot ni Pacquiao nang tanungin ito tungkol sa malaking halaga ng pera na nawawala dahil sa corruption sa isang ahensya pa lamang ng gobyerno.
Bukod sa Department of Health (DOH), sinabi ni Pacquiao na sangkot din sa isyu ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of Emergy (DOE).
Pero iginiit ng Pinoy boxing champ na hindi nito inaaway si Duterte at, sa tingin niya, hindi alam ng Pangulo ang corruption na nangyayari.
Sabi ni Pacquiao, "Nandoon pa rin po yung respeto ko sa ating Pangulo.
"Maaaring hindi naintindihan ng Pangulo, maaaring mali ang impormasyong nakakarating sa kanya, at gusto ko pong malaman niya na hindi ko po siya inaaway.
"In fact, tinutulungan ko pa po siya na ibulgar ang lahat ng mga corruption.
"Naniniwala po ako na ayaw din po niya ng corruption. Kaya nga po sabi ko, walang dapat ikagalit ang Pangulo sa akin.”
Pagkatapos ng presscon ay dumiretso si Pacquiao sa Ninoy Aquino International Airport para sa kanyang biyahe sa Amerika.
Magsisimula na ang boxing training niya para sa laban nila ni Errol Spence Jr. na nakatakda sa August 21, 2021 sa Las Vegas, Nevada.