Naganap sa official YouTube Channel ng Filipino boyband na Alamat ang world premiere kagabi, July 15, ng "Kasmala."
Ang "Kasmala" ang bagong single ng Alamat na collaborative mix ng Swedish music production outfit na The Kennel at ng mga Filipino musician at songwriter.
Ang ace songwriter na si Thyro Alfaro ang sumulat ng lyrics ng "Kasmala" o binaligtad na salitang malakas.
Ang The Kennel naman ang isa pinakamatagumpay na independent international music publishers at nag-produce ng mga kanta para sa phenomenal South Korean boy band na BTS ("Moon"), Pussycat Dolls ("React"), Red Velvet ("Red Flavor"), at Girls Generation ("I Got a Boy").
Malaking karangalan para sa walong miyembro (Taneo, Jao, Mo, Tomas, Valfer, R-Ji, Gami at Alas) ng Alamat na nabigyan sila ng oportunidad na magkaroon ng collaboration sa The Kennel.
"Ang management po namin ang nakipag-usap sa The Kennel and then, ipinarinig sa amin ang mga gawa nila. Yung 'Kasmala' ang pinaka-nag-stand out.
"Sobrang excited po kami dahil nakatrabaho ng The Kennel ang mga big artist like BTS at malalaking popstars. Saka ang Sweden ang center ng pop music kaya sobrang excited kami," sabi ng mga miyembro ng Filipino boy band na Alamat.
HOW THE P-POP BAND ALAMAT WAS FORMED
Ang grupong Alamat ay binuo ng movie director at Ninuno Media founder na si Jason Paul Laxamana.
Sinabi ni Jason na may malakas na mensahe ang "Kasmala," na isang paalaala sa lahat na mga biktima rin ng Asian hate ang mga Pilipino. Pero hindi nasisira at pinanghihinaan ng loob ang mga Pinoy dahil malalakas o "kasmala" ang ating lahi.
Ipinakilala ng Ninuno Media at ng Viva Records ang Alamat, isang buwan bago idineklara noong March 15, 2020 ang enhanced community quarantine sa Metro Manila at Luzon dahil sa coronavirus pandemic.
Pero imbes na maging hadlang ang pandemya, itinuturing ng mga miyembro ng Alamat na blessing in disguise ang nangyari dahil sa mga nadiskubre nila sa mga sarili.
Nagkakaisang pahayag ng grupo: "Blessing in disguise ang pandemic para sa amin dahil nasa iisang bahay lang kami, hindi kami lumalabas kaya ‘yung ideas ng bawat isa, mas nagwo-work.
"We were able to think more creatively. Hindi tayo makalabas so iisip ka ng paraan kung paano magiging productive at creative.
"Kakaisip, dun mo natagpuan na may talent ka pala sa pagsusulat ng kanta."

Maligayang-maligaya ang mga miyembro ng Alamat dahil sa kauna-unahang pagkakataon, naranasan nilang lumabas sa telebisyon nang magtanghal sila sa All Out Sundays, ang Sunday musical-variety show ng GMA-7.
Tuwang-tuwa ang mga miyembro ng Alamat dahil sa mga papuring narinig nila mula kay Bugoy Drilon at sa ibang mga mainstay performer ng AOS.