Sinampahan ng kasong cyberlibel ni Senator Francis "Kiko" Pangilinan ang Latest Chika YouTube channel at ang country manager ng Google Philippines.
Ito ay kaugnay ng mga libelous video at statement tungkol sa kanila ng kanyang asawa na si Sharon Cuneta.
Inihain ni Pangilinan ang kanyang reklamo sa Cybercrime office ng Department of Justice ngayong Biyernes ng umaga, July 16.
Isinama niya sa kaso ang Google Philippines dahil ito ang may-ari ng YouTube.
Sa 82 videos na kanyang inireklamo sa Google Philippines, wala raw nakita si Pangilinan na defamatory o paninira sa dalawampu’t walong (28) videos. Hinihintay pa ang desisyon sa 54 videos.
Ayon kay Pangilinan, nakapagtatakang hindi defamatory para sa Google Philippines ang maliwanag pa sa sikat ng araw na sagad na paninira at walang katotohanan ang mga news video na inilalabas ng Latest Chika.
Kabilang na rito ang tahasang pagbabalita nitong buntis si Sharon at ang kanyang Revirginized co-star na si Marco Gumabao ang ama, na dahilan ng pagpunta ng Megastar sa Amerika.
"SHOCKING! SHARON Cuneta BUNTIS na! Magiging TATAY na si MARCO Gumabao!" ang headline ng mapanirang YouTube channel.
Ayon sa ulat, nakita diumano si Sharon sa Amerika na may kasamang mas batang lalake na hinihinalang si Marco.
Isa itong imbentong balita dahil hindi umaalis ng bansa ang aktor na nasa lock-in taping ng upcoming TV5 drama series na pinagbibidahan nila ni Julia Barretto.
Idinagdag ng video narrator na hindi raw matanggap ng senador ang pagsama ni Sharon kay Marco pero, diumano, matagal na niyang alam ang ginagawa ng kanyang asawa.
Hindi lamang ang mag-asawang Sharon at Kiko ang mga biktima ng nabanggit na YouTube channel.
Naglabas din ito ng mga pantasyang balita tulad ng diumano’y pag-amin ni Yassi Pressman na buntis ito sa magiging anak nila ni Coco Martin kaya iniwanan ng aktres ang Ang Probinsyano; na nasa kritikal na kundisyon si Karylle na buntis sa panganay nila ni Yael Yuzon; at ang pag-amin umano ni Aljur Abrenica na nabuntis nito si Louise delos Reyes.
Milyun-milyon ang views sa fake news ng inirereklamo na YouTube channel. Nakababahala ito dahil may mga taong naniniwala sa mga walang katotohanang balita na ikinakalat nila.
Dahil dito, marami ang natuwa sa pagsasampa ni Pangilinan ng reklamo para mahinto na ang mga paninira sa mga inosente at walang kalaban-labang biktima.