Hindi matutuloy ang grand coronation night ng Miss World Philippines 2021 sa Okada Manila sa Linggo, July 25.
Ito ay dahil sa tumataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19 at ng matinding banta ng higit na nakakahawang Delta variant.
Ipinagpaliban ng Miss World Philippines Organization sa August 8 ang coronation night.
Sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), pumayag si President Rodrigo Duterte na muling ibalik at isailalim sa General Community Quarantine (GCQ) with heightened restrictions ang National Capitol Region at ang mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Davao de Oro, at Davao del Norte.
Magsisimula ito ngayong July 23 at magtatapos hanggang July 31.
Noong July 8, 2021, pinayagan ng IATF na lumabas ng bahay ang mga batang may edad na lima pataas, alang-alang sa kanilang physical at mental health.
Pero umaapela ang mga mayor ng Metro Manila na bawiin ang desisyon dahil sa dumaraming bilang ng mga kaso ng COVID-19.
Ang muling pagpapatupad sa National Capital Region ng GCQ with heightened restrictions mula sa normal GCQ ang dahilan ng pagkalito at pagkadismaya ng singer-actor na si Janno Gibbs.
Hindi napigilan ni Janno na maglabas ng saloobin nang malaman niya ang pasya ni President Duterte na pairalin sa NCR ang GCQ with heightened restrictions.
“Ano ba talaga? Andami ng nagpabakuna! Karamihan nga ayaw pero napilitan. Bakit parang walang nagbago? May Delta strain pa! So need ng 3rd dose. Mukhang hindi na matatapos ito.
“Pls. help me understand. Sorry kung nega post. Just so tired, frustrated and confused.”