Kumakalat ngayon sa social media at ilang blog sites ang balitang nag-walkout umano si Ellen Adarna sa lock-in taping ng John En Ellen, ang sitcom ng TV5 na pinagbibidahan nila ni John Estrada.
Isang taong may kinalaman sa produksiyon ng TV5 sitcom ang nakausap ng Cabinet Files ngayong Martes, August 3. Sinabi nitong totoo ang kumakalat na balita at saksi umano siya sa mga pangyayari.
Ayon sa source ng Cabinet Files, nangyari ang insidente sa huling cycle ng lock-in taping ng Season 2 ng John En Ellen sa isang resort sa Laiya, Batangas, noon pang June 25, 2021.
Nagsimula ang last lock-in taping ng programa noong June 20. Inihatid umano si Ellen sa set ng fiancé niyang si Derek Ramsay, pero hindi na raw umalis ang aktor at namalagi na lamang sa kuwarto ng kanyang girlfriend.
Sa huling araw ng lock-in taping ng sitcom, noong June 25, sinabi raw ni Ellen na puwede lamang siyang magtrabaho hanggang alas-dose ng tanghali dahil uuwi na sila ni Derek.
Pero hindi raw natapos kunan ang mga eksena ni Ellen sa oras na itinakda nito dahil kailangan ng production staff na kumain muna.
Pagdating ng 1 p.m., iniwanan umano ni Ellen ang set, kinuha ang kanyang mga gamit, at umalis.
Ikinagulat daw ng mga artista at ng production staff ng John En Ellen ang pag-alis ni Ellen dahil alam ng aktres na may mga eksena pa siyang hindi nakukunan.
Hindi rin daw nagpaalam nang maayos si Ellen sa executive producer, supervising producer, direktor, at sa kanyang mga kasamahang artista na apektado ng ginawa niya.
Si John Estrada ang kapareha ni Ellen sa John En Ellen at, sa tunay na buhay, matalik na kaibigan ni Derek.
Reportedly, nagsawalang-kibo si John nang umalis si Ellen. Pero nagpatawag daw agad ito ng meeting at sinabing huwag nang ipagkalat ng production staff ang inasal ng kanyang leading lady. Unawain na lamang daw ito dahil baka may sarili itong dahilan.
Pero hindi natupad ang kagustuhan ni John dahil malinaw na may mga nagkalat ng nangyari sa taping kaya kalat na ito ngayon.
Noong Linggo, August 1, ipinalabas ang last episode ng Season 2 ng John En Ellen. Hindi pa alam kung kailan magsisimula ang Season 3 ng sitcom at kung kasama pa rin si Ellen sa cast.
Sinisikap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na makuha ang panig ni Ellen tungkol sa bagong kontrobersiyang kinasasangkutan niya dahil mahalagang malaman ng publiko ang kanyang panig ukol dito.