Umaasa ang mga artista ng isang television show na tutuparin ng management ang pangakong ibabalik sa dati ang kanilang mga talent fee dahil nagawa nilang mapataas ang ratings ng programa.
Pinagbigyan noon ng mga artista ang pakiusap ng management na bawasan ang kanilang mga talent fee dahil naiintindihan nilang apektado ang lahat ng coronavirus pandemic.
Pumayag ang mga artistang mag-taping ng tatlong episodes para sa kanilang programa pero dalawang episodes lang ang babayaran ng management.
Bukod sa pag-unawa sa sitwasyon, pinairal nila ang pakikisama.
Nanggaling sa management ang pangakong kumpletong bayad na ang matatanggap ng mga artista simula sa kasalukuyan na buwan. Pero tila hindi pa ito mangyayari dahil,diumano, mahirap ibenta sa advertisers ang programa.
Nadismaya ang mga artista dahil tumupad sila sa kasunduang gagawin nila ang lahat para mapataas ang ratings ng kanilang programa, pero sinabihan na sila ng mga kinauukulang mahina ang "sales" ng show.
At any rate, hindi nawawalan ng pag-asa ang cast na tutuparin ng management ang mga napagkasunduan ng magkabilang-panig dahil matagal na panahong pinagbigyan nila ang hiling na bawasan ang kanilang mga suweldo.