Pinanindigan ni Jim Paredes ang kanyang tweet tungkol sa nasaksihan ng kakilala niyang magpapabakuna laban sa COVID-19.
Buong tweet niya noong Miyerkules, August 18: "A friend who went to the Araneta coliseum to be vaccinated told me his story. As ppl were coming in, a policeman near warned them that the vaccine wd turn them into zombies. Many people left. My friend was so angry but cd not do anything about it. Unbelievable."

Nakatanggap ng mga negatibong komento mula sa ilang netizens ang tweet na ito ni Jim.
Ayon sa mga nagkomento, hindi nakatutulong ang "kuwentong barbero" sa panahon ng pandemya.
Dapat daw ay kinunan ito ng video o inalam ang pangalan ng pulis, at isumbong kay PNP Chief General Guillermo Eleazar.
Ngunit hindi nagpatinag ang beteranong singer dahil pinanindigan niya ang kanyang kuwento.
Saad ni Jim, “I would not post this story unless I had an actual eye witness. My inaanak himself who told us during a zoom conference.
"Otherwise, he said the experience in Cubao was good. It was efficient, orderly, and not stressful."

Totoo ang sinabi ni Jim dahil kami mismo ay nasaksihan ang maayos at mabilis na pagtuturok ng COVID-19 vaccine sa mga kababayan nating nagsadya sa Araneta Coliseum noong August 8.
May mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nakabantay sa harap ng mga gate ng Araneta Coliseum dahil tumutulong sila sa pagpapatupad ng kapayapaan at kaayusan.
Mahaba ang pila ng mga tao sa labas ng Araneta Coliseum, pero pagpasok sa loob nito, mabilis na ang sistema sa pagpapabakuna.
Dumating si PNP Chief Eleazar para tingnan ang sitwasyon sa Big Dome.
Kinumusta at nakipagkuwentuhan siya sa mga tao, nagpaunlak na magpakuha ng litrato sa photo booth, kasama ang mga nagpabakuna na natuwa nang makita siya.
Pero noong araw na iyon, wala kaming narinig na kuwento tungkol sa pulis na nananakot at nagsabing magiging zombie ang mga nagpapaturok ng COVID-19 vaccine.