Hindi madali ang bumiyahe sa ibang bansa dahil sa mandatory 10-day quarantine na ipinatutupad ng pamahalaan sa mga taong bumabalik sa Pilipinas, kaya tiniyak ni Patricia Javier at ng asawa nitong si Dr. Rob Walcher na mentally, emotionally, physically at financially prepared ang pamilya nila nang magpunta sila sa San Diego, California noong August 3, 2021.
Matagal nang hindi nakikita ni Rob ang kanyang mga magulang buhat nang magsimula ang coronavirus pandemic at ito ang dahilan ng US trip nila ni Patricia at ng kanilang dalawang anak na si Robert IV, (14 anyos) at si RJ (9 anyos).
Pinagplanuhang mabuti ng mag-asawa ang kanilang biyahe kaya bago umalis ng Pilipinas, nag-book muna sila ng kuwarto sa isang hotel sa Makati City na tutuluyan pagdating nila mula sa Amerika para sa sampung araw na quarantine.
“Yes, we’re physically, emotionally, mentally and financially prepared. One of the reasons kaya nagpunta kami sa Amerika is to visit Rob’s parents. Sinundo rin namin ang nanay ko who lives in San Diego, California,” panimulang kuwento ni Patricia na bumalik kahapon sa Pilipinas, August 27, at nagpaunlak na ibahagi sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang mga gagawin nila ng kanyang pamilya na puwedeng tularan at magbigay ng idea sa mga balikbayang hindi handa ang kalooban sa sampung araw na hotel quarantine dahil makakaramdam sila ng pagkabagot.
“Maraming requirements noong dumating kami sa Ninoy Aquino International Airport. We’re lucky dahil mababait ang staff.
“Medyo magastos ang hotel quarantine. Kung lima ang miyembro ng pamilya, you need to book three rooms or a penthouse pero may kasama nang good food ang reservation namin.
“Kahit magastos, it’s not how long we live our life, it’s how we live our lives kasi we never know what tomorrow will bring us.
“Just focus on the present moment and enjoy the people around us. Just share the blessings and our love to one another,” ani Patricia.
Dahil pinaghandaang mabuti nina Patricia at Rob ang sampung araw na pananatili nila sa hotel, may listahan sila ng activities na pagkakaabalahan ng kanilang pamilya para hindi sila makaramdam ng pagkainip, lalo na ang kanilang mga anak.
“Ipinadala ni Rob dito sa hotel room namin ang treadmill machine niya para makapag-exercise kami.

“May mga board games para sa mga bata at may Tagalog lessons ako para sa kanila. Bumili rin ako ng facial tools para ma-facial ko ang pamilya ko,” dagdag pa ni Patricia na isang licensed aesthetician noong US-based pa siya.


Pagkatapos ng pitong araw na hotel quarantine, muling sasailalim sa COVID-19 swab test ang pamilya ni Patricia at kapag negative ang resulta, puwede na silang umuwi sa kanilang tahanan.
Use these Lalamove promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.