Ang drama anthology na Mother Studio Presents (1987-1996) at ang iconic horror show na Regal Shockers (1985-1991) ang dalawa sa successful partnership ni Mother Lily Monteverde ng Regal Films at ng GMA Network Inc. noong dekada ’80.
Makalipas ang dalawampu’t limang taon, muling magsasanib-puwersa ang dalawang kumpanya. Mapapanood sa Kapuso Network simula sa September 11 ang drama anthology na GMA Regal Studio Presents.
Nakausap ng Cabinet Files si Roselle Monteverde, Regal Entertainment Inc. producer at anak ni Mother Lily, tungkol sa bagong collaboration nila ng GMA-7.
Isa itong magandang joint project na nangyari sa panahon ng pandemya, at sinasabing magpapabago sa viewing habits ng televiewers.
Lahad ni Roselle, "Dati pa naman ang partnership namin ng GMA, pati sa telebisyon at sa pelikula.
"So, nung may nag-open na timeslot, nag-offer ang GMA-7 na magkaroon uli kami ng production venture.
"Parang telemovie ang GMA Regal Studio Presents, mas relatable ang story, wholesome, entertaining at pampamilya siya talaga.
"Ang mga writer at direktor namin mula sa pelikula—sina Miko Livelo, Easy Ferrer, at Joey Reyes."

LINEUP OF STARS FOR THE EPISODES
Excited si Roselle sa mga naka-lineup na episode ng GMA Regal Studio Presents na pagbibidahan ng Kapuso stars.
"Sina Sanya Lopez at Ken Chan ang mga bida sa pilot episode na 'That Thin Line Between.' First time nila na magkasama sa isang drama anthology. Natutuwa ako sa episode nina Sanya at Ken, pareho silang magaling.
"Nakapag-taping na kami ng mga episode bago pa nagkaroon ng ECQ sa National Capital Region.
"Yung susunod na episode sa September 18, 'Raya Sirena' ang title, sina Sofia Pablo, Allen Ansay, at Bruce Roeland ang mga bida."

Dagdag pa ni Roselle, "At sina Gabbi Garcia, Khalil Ramos, at Manolo Pedrosa ang starring sa 'One Million Comments,' ang episode sa September 25.
"Mapapanood din sa GMA Regal Studio Presents sina Barbie Forteza, Bianca Umali, Winwyn Marquez, Derrick Monasterio, at Rita Daniella."

REGAL MOVIES ON GTV
Hindi lamang ang GMA Regal Studio Presents ang joint venture ng Regal Entertainment Inc. at ng GMA Network Inc.
Nagsimula noong July 30 ang airing ng Regal Treasures sa GTV, ang sister company ng GMA-7 na inilunsad noong February 2021.
Mapapanood sa GTV tuwing Biyernes ng hapon, 4 p.m., ang classic at blockbuster movies ng Regal Films kaya Regal Treasures ang pamagat ng programa.
Use these Nike promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.