Malalaman natin sa mga susunod na araw ang katotohanan sa nasagap na impormasyon ng Cabinet Files na si Kim Atienza ang susunod na magiging Kapuso.
Ayon pa sa nakuha naming impormasyon, isang pang-araw-araw na programa ang unang proyekto ni Kim sa kanyang bagong tahanan, ang GMA Network Inc.
Nakatakda na rin o posibleng nangyari na ang pictorial ni Kim bilang bagong Kapuso ng GMA-7.
Nag-umpisa ang pagiging TV personality ni Kim noong 1987 sa RPN-9.
Noong 2005, naging resident weatherman siya ng TV Patrol, ang news program ng ABS-CBN. Siya ang naging kapalit ng pumanaw na si Ernie Baron.
Nang maging Kapamilya siya ng ABS-CBN, nakilala si Kim bilang "Kuya Kim" at host ng Matang Lawin, ang weekly science-environmental educational program na nagsimula noong 2008.
Naging bahagi rin siya ng noontime show na It’s Showtime at morning program na Umagang Kay Ganda.
Sa kanyang paglipat sa GMA-7, posible bang mapanood din si Kuya Kim sa 24 Oras? Paano na si Nathaniel Cruz, aka Mang Tani, ang resident meteorologist at weatherman ng top-rating news program ng GMA 7?
Malalaman natin sa mga susunod na araw ang mga tumpak na kasagutan tungkol kay Mang Tani at sa nakagugulat na paglipat ni Kim.
Pero puwedeng-puwede itong mangyari dahil tulad ng madalas na sabihin ni Kuya Kim: "Ang buhay ay weather-weather lang."