Ikinuwento ni Kim Atienza ang pagiging productive ng araw niya kahapon, September 28, sa live broadcast niya sa kanyang Facebook at YouTube channels kinagabihan.
Truly productive ang araw ni Kim dahil nagsimula na kahapon ang taping niya para sa kanyang bagong programa sa GMA-7—isang show na siya ang host at segment para sa isang programa.
Pero hindi pa binanggit ni Kim ang nalalapit na paglipat niya sa Kapuso Network.
Kuwento niya, “I was able to maximize my day. In the morning, hindi ako nakapag-exercise because I started taping very early on.
“I started taping around 8 o’clock, 9 o’clock, and then natapos ako siguro mga 5:30 p.m. na.
"And then I went straight to TV Patrol and I did my weather and trivia.
“Ang araw ko ngayon has been good, has been very productive, and it’s good for us to have productive days and very blessed because I was able to get out of the house despite the fact that there’s COVID.
"Ang utak ko talagang nalilinis kapag nasa labas ako, e. My mind is active and I feel sane and I feel useful."
DONE DEAL
Done deal na ang paglipat ni Kim sa GMA-7.
Matibay na ebidensiya nito ang mga larawan at video ng kanyang OBB o opening bumper break shoot.
Leather jacket, pants, at boots ang outfit ni Kim habang papasok sa GMA Network compound sakay ng kanyang motorsiklo, pero hindi siya makikilala dahil natatakpan ng helmet ang kanyang mukha.
Kumalat ang mga litrato at video na kuha ng isang netizen matapos ibalita ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kagabi ang kumpirmadong paglipat ni Kim sa Kapuso Network, at ang description ng attire niya nang dumating siya sa GMA building sa Timog Avenue, Quezon City kahapon.
Nanggaling kay Kim ang impormasyong mula sa kanyang taping, dumiretso siya sa ABS-CBN para sa live broadcast ng TV Patrol.
Magpapaalaala ito sa lahat sa paglipat ng former Kapamilya broadcast journalist na si Atom Araullo sa GMA-7 noong September 2017.
Ang kaibahan lang, napanood muna si Atom sa live telecast ng Umagang Kay Ganda, ang morning program ng ABS-CBN. Pagkatapos nito, tumuloy na siya sa GMA-7 para sa kanyang OBB shoot.
Kabaligtaran ang nangyari kay Kim dahil nagpunta muna siya GMA Network para sa taping niya bago siya nagsadya sa ABS-CBN compound para sa weather report at trivia segment ng TV Patrol.
Sa katapusan ng live broadcast niya sa Facebook at YouTube kagabi, ipinagdasal ni Kim ang kaligtasan ng kanyang mga tagasubaybay at ang malaking desisyon na gagawin niya.
“It is Your will Lord at Lord God, it’s forthcoming,” bahagi ng dasal ni Kim.
Ipinaalaala niya sa lahat na magsasalita siya sa TV Patrol sa darating na Biyernes, October 1, tungkol sa pagpili o choice na kanyang ginawa.
At ito nga ay ang pag-alis niya sa ABS-CBN at paglipat sa GMA-7.
Use these Klook promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.