Hindi pinalad na makapasok sa Top 20 semi-finalists ng 9th Miss Grand International ang Philippine bet na si Samantha Panlilio kaya muling nabuhay ang panawagan na i-boycott o huwag nang magpadala ng kandidata ang Bb. Pilipinas Charities Inc. (BPCI, na pinamumunuan ni Mrs. Stella Marquez Araneta) sa Thailand-based beauty pageant.
Nagaganap ngayong Sabado ng gabi, December 4, sa Show DC Hall ng Bangkok, Thailand ang final show ng 9th Miss Grand International at dahil sa maagang pagkaligwak ni Panlilio, muling inakusahan ng mga galit na Pinoy na isang “cooking show” ang nabanggit na beauty pageant na itinatag noong 2013 ng Thai television personality na si Nawat Itsaragrisil na mas kilala sa tawag na “Angkol.”
Literal na minumura, nilalait at hinuhusgahan si Nawat na binansagang "Master Chef" ng mga naghihimagsik na mga Pilipino sa mga komento sa live streaming sa YouTube Channel ng Miss Grand International.


Hindi lamang ang pagkakaligwak ni Panlilio sa Top 20 semi-finalists ng 9th Miss Grand International ang ipinoprotesta ng mga kababayan natin dahil palaisipan din sa kanila na hindi napili sa Top 20 candidates si Miss Grand Thailand Indy Johnson.
Nagsimulang tawagin na cooking show ng mga napipikong Pinoy pageant fans ang Miss Grand International dahil naniniwala silang dinaya si Samantha Bernardo noong sumali ito sa 8th edition ng contest noong March 27, 2021.
Hindi matanggap ng mga die-hard Pinoy fans na first runner-up lamang ang puwesto ni Bernardo dahil sa matalinong sagot nito sa Question and Answer portion, kaya bugbog-sarado si Nawat sa mga masasakit na salita mula sa kanyang Pinoy bashers na sulit na sulit ang paggamit sa social media para ilabas ang galit nila.