Ikinadurog ng puso ni Miss Grand Philippines 2021 Samantha Panlilio ang naging kapalaran niya sa final show ng 9th Miss Grand International na ginanap kagabi, December 4, sa Show DC Hall, Bangkok, Thailand.
Malaking dagok para kay Samantha at sa mga kababayan nating sumusuporta sa kanya ang maagang pagtatapos ng kanyang Miss Grand International journey dahil hindi siya nakapasok sa hanay ng Top 20 semi-finalists.
Ngayong Linggo, December 5, sa pamamagitan ng kanyang Instagram post, pinasalamatan ni Samantha ang lahat ng mga sumuporta, naniwala at nagtiwala sa kakayahan niya nang sumali siya sa Miss Grand International. Bukod sa pagpapasalamat, inamin ng 25-year-old Filipina beauty queen na “heartbroken” siya pero diumano, ginawa niya ang lahat.
“Thank you for all the love and support. I am completely heartbroken but I know that I did my best and that’s all that matters. I feel nothing but grateful. My heart is warm,” ang bahagi ng mensahe ni Samantha tungkol sa nararamdaman niya, isang araw matapos idaos ang final show ng international beauty pageant na kanyang sinalihan.

Ang hindi pagpasok ni Samantha sa Top 20 ng 9th Miss Grand International ang dahilan kaya umani ng mga batikos si Nawat Itsaragrisil, ang founder at presidente ng Miss Grand International Organization.

Hindi lamang ang Filipino beauty pageant fans ang nag-akusa kay Nawat na may favoritism ito at isang "cooking show" ang Miss Grand International na ipinanawagan nila na i-boykot dahil ganito rin ang paniniwala ng beauty contest aficionados mula sa iba’t ibang bansa na hindi masaya sa resulta bilang natalo rin ang kanilang mga kandidata.
Si Miss Grand Vietnam Nguyen Thuc Thuy Tien ang kinoronahan na 2021 Miss Grand International samantalang first runner-up si Miss Grand Ecuador Andrea Victoria Aguilera Paredes. Si Lorena Goncalves Rodrigues ng Brazil ang second runner-up, third runner-up si Miss Grand Puerto Rico Vivianie Diaz Arroyo, at si Miss Grand South Africa Jeanè Van Dam ang 4th runner-up.