Si John Arcilla ang tumanggap ng Volpi Cup for Best Actor sa 78th Venice Film Festival sa Venice, Italy dahil sa kanyang mahusay na pagganap bilang corrupt journalist sa On the Job: The Missing 8.
Hindi nakadalo si John sa Venice Film Festival dahil sa mga travel restriction kaya hindi niya personal na tinanggap ang award na kanyang napanalunan.
Hindi natapos sa Venice ang pagbibigay ng parangal kay John dahil kikilalanin ng Italian Embassy Manila ang tagumpay niya sa 78th Venice Film Festival.
Magaganap ito sa Cultural Center of the Philippines sa January 29, 2022.
Ang Reality MM Studios nina Dondon Monteverde at Erik Matti ang producer ng On The Job: The Missing 8, na umani ng mga papuri nang itanghal sa 78th Venice Film Festival at nang ipalabas bilang six-part series sa HBO Go.
Si Erik Matti ang direktor ng pelikula, at kinikilala rin ng Italian Embassy Manila ang kontribusyon nila ni Dondon dahil sa karangalang inihatid ng On The Job: The Missing 8 sa ating bansa.
Masayang-masaya si John nang malaman nito ang karangalan at pagpapahalaga na ibibigay sa kanya ng Italian Embassy Manila kaya tiniyak niyang dadalo siya sa importanteng okasyon na idaraos sa unang buwan ng 2022 sa Cultural Center of the Philippines.