Alam ni Angeline Quinto na hindi nito maaaring ilihim nang matagal ang kanyang pagbubuntis kaya ipinagtapat niya ang tunay na kalagayan nito sa exclusive interview sa kanya ni Boy Abunda sa The Purple Chair ng The Boy Abunda Talk Channel sa YouTube.
Limang buwan na ang bay boy na ipinagbubuntis ni Angeline.
Nakatakda siyang magsilang sa April 2022, at may kinalaman sa musika ang pangalan na nais niyang ibigay sa kanyang magiging anak.
At para hindi na mabahiran ng intriga at kontrobersiya ang nalalapit na pagiging nanay niya, sinabi ni Angeline kay Boy na kumplikado ang sitwasyon dahil may anak sa ibang babae ang kanyang karelasyon.
“Sa akin lang naman, siyempre bago ka pumasok sa isang relasyon, meron kang makikita na mga bagay na kumplikado pero tinanggap ko kahit alam kong may mga kumplikado sa kanya.
“Sinabi din naman niya sa akin yung tungkol sa mga past niya. Meron din siyang anak sa ibang babae,” ang pagsisiwalat ni Angeline na tumangging sabihin ang pangalan ng boyfriend niya para mapangalagaan ang pribadong buhay nito.
Pero hindi nagpaawat ang triggered netizens na parang mga bampira na uhaw sa dugo at hindi makapapayag na magpahuli sa balita kaya gumawa sila ng sariling imbestigasyon.
Mabilis na nalaman ng netizens ang tunay na pangalan ng boyfriend ni Angeline na may initials na NPD, nagtatrabaho umano bilang casino dealer at may dalawang anak sa pagkabinata sa magkaibang babae. Pinagpasa-pasahan na rin sa social media ang litrato ng lalake at nag-uumpisa na ring magsalita ang kanyang mga dating karelasyon.
Malinis ang intensyon at maganda ang motibo ni Angeline na panatilihing pribado ang kanyang personal na buhay pero hindi ito uubra sa mga “Maritess” na itinuring na malaking hamon para sa kanila na tuklasin ang tunay na pagkatao at ugali ng lalake na pilit na pinoproteksyonan ng singer-actress.
Walang-wala sa bokabularyo ng mga Maritess ang salitang privacy dahil sa kanilang paniniwala na may karapatan silang malaman ang mga nangyayari sa buhay ng mga showbiz personality bilang sukli sa mga pagtangkilik at pagmamahal na ibinibigay nila.