Kung hindi binanggit ni Xian Lim, hindi maaalala ng writer na ito na Asia’s Acting Gem ang title na ibinigay kay Glaiza De Castro ng GMA Artist Center, ang talent-management arm ng GMA Network Inc. na Sparkle na ang bagong pangalan.
Napag-usapan si Glaiza dahil leading lady siya ni Xian sa False Positive, ang upcoming fantasy comedy prime-time series ng GMA-7.
At karangalan para sa bagong Kapuso actor na makatrabaho amg dalaga.
"Even kay Glaiza, lagi kong sinasabi na isang karangalan makatrabaho ang Asia’s Acting Gem,” ang sabi ni Xian na aminado na nagkamali sa pagkakakilala niya sa tunay na ugali ni Glaiza.
"Yung first impression ko kasi sa kanya, ang intense niya na tao. Hindi puwedeng biruin na parang stick lang tayo sa trabaho, ha?Huwag kang magbibiro dahil baka ma-break yung karakter niya, so parang medyo iniisip ko kung papaano.
"As we moved along at nakikilala na namin ang isa’t-isa, kalog din naman pala si Glaiza. Nakikipagkulitan siya, masaya siya kasama.”
Parehong mahilig sa musika sina Xian at Glaiza kaya hindi nakapagtataka na nakabuo sila ng kanta sa set ng False Positive.
Si Glaiza ang may idea na gumawa sila ni Xian ng kanta, at siya rin ang nakapansin na mahusay na balladeer at rapper ang leading man niya na may naisip na title para sa sarili.
"Ang iniisip ko kasi, meron tayong Asia’s Acting Gem, so ang iniisip ko, yung sa akin, gusto ko sana Asia’s Sensation, kaso Christian Bautista na yung Asia’s [ Romantic Balladeer], Sensational Asia na lang...
"Kasi, di ba, ladies and gentlemen, Asia’s Acting Gem award-winning actress Glaiza De Castro. So parang sa akin, Sensational Asian, “ ang tila seryoso pero parang nagbibirong pahayag ni Xian.
Kahit hindi siya contract star ng Sparkle, hindi imposible na magkaroon ng title si Xian dahil nakaugalian nang bigyan ng bansag ang karamihan sa mga artista ng Kapuso Network.
Si Julie Anne San Jose,ang Asia’s Limitless Star. Si Alden Richards ang Asia’s Multimedia Star. Si Heart Evangelista ang Asia’s Queen of Creative Collaboration. Si Jennylyn Mercado ang Ultimate Star.