Sa kabila ng pahayag ng Department of Health (DOH) ngayong Martes, January 4, 2022, na walang kakapusan sa supply ng mga paracetamol o gamot para sa mga sintomas ng sipon, iba ang sitwasyon sa mga malalaki at maliliit na drug store sa Metro Manila at ilang probinsya sa Southern Luzon.
Pahayag ng DOH: "The DOH would like to assure the public that while there is an observed increased demand for such products, there is no ongoing shortage in the Philippines.
"Paracetamol has many generic alternatives in the market, which are available in many drug stores nationwide."
Pero mahirap itong paniwalaan dahil isang drug company na manufacturer ng paracetamol ang mismong nagsabing pansamantalang out of stock ang kanilang mga gamot dahil sa "extraordinary demand."
Mahihirapan din ang DOH na itanggi ang personal na karanasan ng mga taong pumila nang matagal sa mga drug store para bumili ng paracetamol pero umuwing bigo kaya ibinabahagi na lang nila sa social media ang kanilang pagkadismaya.
Sa kauna-unahang pagkakataon, naranasan ng mga Pilipino na ma-miss ang brand ng paracetamol na dating iniendorso ni John Lloyd Cruz.
Tumataas ang mga kaso ng COVID-19 sa National Capital Region at sa ibang mga lalawigan.
Bilang pag-iingat, pilit na sinusunod ng mga pobreng mamamayan ang paalaala ni John Lloyd na “Ingat!”
Pero paano sila mag-iingat kung hindi na mabili sa malalaki at maliliit na botika ang gamot na panlaban sa sipon, ubo, pananakit ng ulo, at katawan?
Patuloy na tumataas ang bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19 dahil 5,434 ang bilang ng mga kasong naitala ngayong Martes, January 4, ng DOH.
Apektado ng nakakaalarmang pagdami ng mga kaso ng COVID-19 ang local entertainment industry dahil may mga taping na mga TV series at shooting ng mga bagong pelikula na pinaplanong ipagpaliban para sa kaligtasan at kapakanan ng mga manggagawa.
May mga TV show na replay episodes muna ang mapapanood bilang proteksiyon sa lahat ng mga sangkot sa programa dahil sa tumitinding banta ng Omicron variant ng COVID-19.
Use these foodpanda vouchers when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.