Tuluyan nang natuldukan ang "fifteen minutes of fame" ni Whitey, ang pusang gumawa ng eksena sa live broadcast ng 24 Oras noong December 31, 2021.
Literal siyang "nag-catwalk" sa set habang naghahatid ng balita si Mel Tiangco. Naaliw ang televiewers nang mapanood nila si Whitey na rumarampa sa set ng 24 Oras at mula noon, binansagan siya na "Kapusang Totoo."
Ang pagpapakita ni Whitey sa harap ng kamera ang una at huling pagkakataon dahil hinuli na siya at dinala sa isang animal shelter.
Hindi nag-iisa si Whitey dahil kasama niyang ibinigay sa animal shelter ang kanyang kapatid, samantalang pinaghahanap pa ang isa nilang kapatid na higit mas mailap at ayaw iwanan ang compound ng Kapuso Network.
Napamahal na si Whitey at ang mga kapatid nito sa ilang mga empleyado ng GMA-7 na regular na nagbibigay sa kanila ng mga pagkain.
Sa magkakapatid na Kapusang Totoo, si Whitey ang kinagigiliwan dahil umaasta itong parang tao at hindi pusa. Komportableng-komportable si Whitey sa limelight.
Pero gaya ng kanta ni Barbra Streisand, "some good things never last." Labag man sa kalooban niya, dinala siya sa animal shelter na higit makapag-aalaga at makapagbibigay sa kanya ng magandang kinabukasan para hindi siya matulad sa ibang mga pusa na naligaw ng landas at naging PUSAkal.