Ngayong Linggo, January 23, ang huling araw ng 10-day quarantine ni Dingdong Dantes, kaya ibinahagi nito sa kanyang social media followers ang COVID-19 experience nila ng kanyang buong pamilya sa pamamagitan ng isang video.
“Pagkatapos ng ilang araw, napansin namin na marami nang hindi maganda ang pakiramdam sa kapaligiran namin, sa mga kapitbahay namin, sa bahay ng mga kamag-anak namin, na mga magulang namin.
“Halos lahat ng mga kakilala namin merong positive case sa bahay, hanggang sa halos lahat kami dito sa bahay nilagnat, nagkaroon ng sintomas kaya inisip namin, naku, mukhang eto na yun.
“Mukhang nasama na kami sa surge kaya nag-test kami at yun na nga, nag-positive kami sa COVID,” ang pahayag ni Dingdong na pumayat kaya mahahalata na may pinagdaanan sila ng kanyang pamilya.
Hindi na alam ni Dingdong kung paano at saan nila nakuha ang virus pero nag-isolate agad sila nang maramdaman ang mga sintomas ng COVID-19.
“Well, sa totoo lang, hindi namin alam kung saan at papaano kami nahawa, pero mabuti na lang hanggang mild lang ang naging sintomas namin at nakakakuha pa kami ng booster shot bago mahawa. Hindi lang ako—pati yung mga kasamahan ko sa bahay. Sila, matagal nang nakakuha ng booster shot kaya talagang protektado mga katawan namin.
“Nung malaman namin na meron kami, ginawa namin yung mga dapat gawin.
“Nag-quarantine kaming magkakasama sa bahay, uminom ng gamot, siyempre, at kumain ng mga sapat na pagkain para mapanatiling malusog yung katawan habang nilalabanan ang virus.
“Naging mahirap para sa amin, since lahat kami nagkaroon nang sabay-sabay, naging mahirap yung mobility para sa amin.
“Naging mahirap yung movements lalo na sa pagbili ng gamot, sa paghanda ng pagkain, pagbili ng pagkain, and masasabi ko, nalampasan namin ito dahil sa tulong ng maraming tao, lalo na ng mga tao na malalapit sa amin, katulad ng nanay ko.
“Special shout out sa’yo, Mommy, dahil siyempre, nagpadala siya ng mga pagkain na paborito ko, paborito namin."