Biktima si Angeli Khang ng physical abuse ng kanyang amang isang Korean general.
Ito ang posibleng dahilan ng mahusay niyang pag-arte kahit baguhan na aktres pa lamang siya. Higit na napansin ang galing ni Angeli sa pag-arte sa mga eksena niya sa Silip Sa Apoy.
Dahil dito, ikinukumpara siya kay Jaclyn Jose na kinakitaan agad ng husay bilang aktres nang mag-umpisa ang kanyang acting career noong 1984 sa pelikulang Chicas ng Baby Pascual Films.
Nangyari ang pisikal na pang-aabuso kay Angeli ng kanyang mahigpit na Korean father noong siyam na taon ang edad niya at magkasama silang naninirahan sa Amerika.
Paglalahad ni Angeli, “I will be completely honest. I was abused by my dad for years, physically abused.
"And throughout those years, pinalaki ako ng mom ko as a godly person kaya I never lose hope, I always pray every day to God.
“Pumapasok ako sa school na may pasa sa mukha and ipinapa-reason ng dad ko na sa sobrang kulit ko, kunwari, natamaan ako ng door, like that.
“Until one day, siguro answered prayer na nakita ng teacher ko yung cuts ko sa wrist and she asked me why, kung ano ang nangyari.
“I just bursted out na, kasi it’s really hard for me to open up to call someone dahil I know na uuwi ako sa tao na nang-a-abuse sa akin. So, I was really scared. I was very entrapped.
"Hanggang nung ma-open up ko siya sa teacher ko, she asked me to call my dad. After that, when I told my dad na kailangan siya sa school, bigla na niya akong iniuwi sa Pilipinas."
[TRIGGER WARNING] Mali ang ginawa ni Angeli na paglalaslas ng pulso at hinding-hindi ito dapat tularan ng mga tao, lalo na ng mga kabataang may mga pinagdaraanang mabibigat na pagsubok.
Marami na ngayon ang puwedeng lapitan para hingan ng tulong — ang mga abuse and suicide prevention organization na nagbibigay ng mga libreng payo at handang pakinggan ang mga problema ng mga biktima.
Tanggap ni Angeli na hindi tama ang ginawa niya noon at malaki ang kinalaman ng psychiatrist na tinulungan siya para harapin at bigyan ng solusyon ang kanyang mga problema.
Nakatulong ding magkasama na sila ngayon ng kanyang ina na isang pastora o preacher ng mga salita ng Diyos.
Saad ni Angeli, “I was with my dad from 2011 to 2014.
"And yung cut sa wrists, it’s not something na gusto kong magpakamatay, but hindi ako nakaka-open up sa mga tao. And whenever I open up to my friends, parang hindi kumpleto sa feeling ko.
“Parang yung comfort ko na gustong makuha, parang maging okay sa araw na yun, hindi ko siya nakukuha through talking.
“Whenever I feel pain, hindi siya pain for me. Kapag may mga taong nakakakita ng cuts, lagi nilang sinasabi na emo.
"But when you’re in that situation, cut is something na nae-embrace niya yung... doon ako na nagiging comfortable.
“I know na that’s not right. And nung pina-psychiatrist ako, dun ko na-realize na it’s not normal to fantasize about death, about killing or anything about bad things.”
Ang kagandahan nito, positibo na ngayon ang mga pananaw ni Angeli sa buhay at inangking magiging maganda ang takbo ng kanyang acting career ngayong 2022.
Para sa mga nangangailangan ng kausap at tulong dahil sa kanilang mental health issues, tumawag lamang sa National Center for Mental Health Crisis Hotline:1553, Landline (02) 7-989-8727 at cellphone number 0917-8998727.