Matapos ang pormal na pagpapaalam kahapon, February 11, ni Willie Revillame at ng programa niyang Wowowin sa GMA-7, binaklas na ngayong Sabado, February 12, ang stage sa Studio 6 na ginagamit ng kanyang top-rating game and public service program.
Ang studio ng Wowowin sa GMA Annex building ang isa sa mga pinakamaganda dahil ginastusan ito nang husto ni Willie, lalo na ang expensive LED floor nito.
Ang studio ng Wowowin ang naging pangalawang tahanan ni Willie sa loob ng halos anim na taon at sa kanyang pagpapaalam, marami ang magaganda at masasayang alaala ang baon niya.
Nalungkot ang production staff ng Wowowin nang simulan nila kahapon ang paghahakot ng mga gamit mula sa Studio 6 na pagpapatunay ng pamamaalam at pag-alis nila sa network na napamahal sa kanila.
Nang magpaalam si Willie sa live broadcast ng Wowowin, idineklara niya ang kanyang pagmamahal sa cameramen ng GMA-7.
Bilang pasasalamat, ibinigay ni Willie sa pitong cameramen at direktor ng Wowowin ang siyam na 65-inch Smart TV na nagkakahalaga ng P50,000 ang bawat isa.
Nagpapasalamat naman kay Willie ang staff ng Wowowin dahil hindi sila nawalan ng trabaho sa panahon ng coronavirus pandemic na malaking tulong sa kanilang kabuhayan at mga pamilya.
Nagdeklara ng Enhanced Community Quarantine sa National Capital Region at sa Luzon ang Duterte government noong March 15, 2020 dahil sa coronavirus pandemic at kabilang sa mga naapektuhan ang mga manggagawa sa telebisyon nang pansamantalang magpahinga ang mga live show at tapings ng mga teleserye.
Tanging si Willie ang nangahas na ibalik sa telebisyon ang live show ng Wowowin noong April 13, 2020 para mabigyan ng trabaho ang kanyang production staff at magpatuloy ang paghahatid niya ng saya at pag-asa sa televiewers kaya isinilang ang Tutok To Win.
Sa farewell episode kahapon ng Wowowin, ipinangako ni Willie na magpapatuloy sa pamamahagi ng tulong sa pamamagitan ng live streaming sa Facebook page at YouTube channel ng Wowowin habang hindi pa nagsisimula ang programa niya sa bagong tahanan nito.