Ang launching movie ni Wilbert Ross na Boy Bastos ang nagpapatunay na naungusan na niya ang ibang mga dating miyembro ng Hashtags, ang all male-dance group na naging mainstay sa It’s Showtime, pati na rin ang kanyang mga nakasabay na sumali sa Pinoy Boyband Superstar, ang reality singing competition ng ABS-CBN noong 2016.

Bidang-bida si Wilbert sa Boy Bastos dahil bukod sa siya ang title role, ipinakita niya ang pagiging mahusay na aktor kaya hindi nagkamali ang Viva Films na ipagkatiwala sa kanya ang karakter ni Felix Bacat Cabahug.
Isang sexy comedy movie ang Boy Bastos pero kahit bastos ang pamagat nito, matino ang pagkakagawa ni Victor Villanueva sa launching movie ni Wilbert na hindi nakakagulat dahil siya rin ang direktor ng critically-acclaimed movie na Patay Na Si Hesus na pinagbidahan ng Cannes Best Actress na si Jaclyn Jose.
Bukod sa impressive performance ni Wilbert sa Boy Bastos, nakipagsabayan siya kina Paolo Gumabao, Sean De Guzman at Sid Lucero sa paghuhubad dahil sa kanyang mga nude scene.
Sa recent media conference ng Boy Bastos, nagsalita rin ang co-star ni Wilbert na si Rose Van Ginkel na aminadong reluctant sexy star.
Kahit inamin niyang may limitasyon ang kanyang paghuhubad, iba ang napanood namin sa special preview ng pelikula nila ni Wilbert dahil all-out siya sa kanilang love scene na hindi niya ginawa sa Paglaki Ko, Gusto Kong Maging Pornstar at 69+1.

May special participation si Marissa Sanchez sa Boy Bastos bilang tiya ni Wilbert at ang mga eksena niya ang tiyak na magpapahalakhak sa manonood.
Tila ang Boy Bastos ang unang Tagalog movie na maraming beses na gumamit sa salitang "libog" mula umpisa hanggang sa katapusan at isang malaking sorpresa para sa mga nagbabalak na manood kapag nalaman nila ang “katauhan” ng narrator ng pelikula.
Anim na taon ang lumipas bago nabigyan si Wilbert ng malaking break sa entertainment industry, pero sulit na sulit ang matagal na paghihintay ng probinsyano mula sa Davao del Sur dahil sa pagbibida niya sa Boy Bastos na hindi imposibleng magkaroon ng sequel.