Kontesera si Anastasiia Lenna sa mga international beauty pageant at thank you girl ang kanyang kategorya sa mga contest na sinalihan pero nakikilala na siya ngayon sa buong mundo dahil sa ipinamamalas niya na katapangan at pagiging makabayan.

Si Lenna ang official candidate ng Ukraine sa 3rd Miss Grand International na ginanap noong October 31, 2015 sa Bangkok, Thailand.

Kabilang ang then 24-year-old Ukrainian beauty sa Top 20 candidates ng Miss Grand International 2015, at ang Philippine delegate na si Parul Shah ang kasabayan niya sa naturang beauty contest.

Si Parul ang tinanghal na 3rd Runner-Up at Best in National Costume samantalang si Anea Garcia ng Dominican Republic ang nanalo na Miss Grand International, pero nagbitiw siya sa tungkulin kaya ang 1st Runner-Up na si Claire Parker ng Australia ang ipinalit sa kanya pero binawi rin ng organizer ang korona ng huli.
Noong 2016, muling sumali si Lenna sa isang international beauty pageant, ang 8th Miss Supranational na idinaos sa Poland noong December 2, 2016.

Thank you girl muli si Lenna sa 8th Miss Supranational pero pareho sila ni Miss Supranational Philippines Joanna Louise Eden na nakapasok sa Top 25 candidates.

Makalipas ang anim na taon, daig pa ni Lenna ang nanalo ng international beauty title dahil mula sa 75,000 Instagram followers, mahigit sa 100,0000 (and counting) ang mga sumusubaybay sa kanyang social media account.

Higit sa lahat, pinagtuunan ng pansin ng international media ang kanyang katapangan at pagmamahal sa Ukraine dahil sa pag-anib niya sa Ukrainian military para labanan ang pananakop ng Russia sa kanilang bansa.
Sa isang post niya, buong tapang niyang idineklara, “Everyone who crosses the Ukrainian border with the intent to invade will be killed!”
May hashtags naman na #prayforukraine, #stopwar, #handsoffukraine at #standwithukraine ang kanyang mga Instagram post tungkol sa sitwasyon sa Ukraine.
Nakikiisa ang Miss Supranational Organization sa apela ni Lenna sa pamamagitan ng kanilang comment na “We stand with Ukraine” sa Instagram post ng former Ukraine candidate sa 8th Miss Supranational.
Naglabas din ito ng sariling mensahe na “Our thoughts and prayers go out to the people of Ukraine” sa kanilang official Instagram account.
