Sina Madonna, Lady Gaga, Justin Timberlake, Sylvester Stallone, Arnold Schwarzenegger, Vin Diesel, Penelope Cruz, Leonardo DiCarpio, Jennifer Lopez, at Adele ang ilan sa mga entertainment personality na sinusubaybayan sa Instagram ni Volodymyr Zelensky.
Isa itong pruweba na nananatili sa sistema ng 44-year-old Ukraine president ang pagiging artista—ang kanyang propesyon bago siya nahalal na pangulo ng kanilang bansa noong April 21, 2019.
Isang halimbawa ng life imitates art ang nangyari kay Zelensky na kilalang comedian sa Ukraine.
Gumanap siyang presidente ng kanilang bansa sa TV series na Servant of the People.
High school History teacher na nanalo sa presidential election dahil sa viral video niyang kinokondena ang corruption sa Ukraine ang karakter na ginampanan ni Zelensky sa TV series na ipina-ban ng pamahalaan noong 2017.

Noong March 2018, itinatag ang political party na Servant of the People kung saan kabilang si Zelensky.
Sa isang interview, sinabi ni Zelensky na pumasok siya sa pulitika para ibalik sa kapangyarihan ang mga taong propesyunal at disente. Nais din niyang bumalik ang tiwala ng publiko sa mga pulitiko.
Tulad ng role niya sa Servant of the People, nanalo si Zelensky bilang pangulo ng Ukraine sa pamamagitan ng epektibong paggamit niya ng virtual presidential campaign.
"I NEED AMMUNITION. NOT A RIDE."
Noong February 24, 2022, naglunsad ng giyera si Russian President Vladimir Putin laban sa Ukraine para masakop ito.
May mga nagmaliit sa kakayahan ni Zelensky dahil dati siyang komedyante, pero pinatunayan niyang mali ang pagkakakilala sa kanya ng mga kritiko.
Nang mag-alok ang U.S. government na ililikas siya mula sa Kyiv, ang capital ng Ukraine, tumanggi si Zelensky.
Pahayag niya: “The fight is here. I need ammunition. Not a ride.”
Nakuha ni Zelensky ang respeto at paghanga ng buong mundo dahil sa katapangan, pagmamahal sa bayan, at kabayanihan na kanyang ipinamamalas.
At sa gitna ng tensiyon at kaguluhan na nangyayari sa Ukraine dahil sa pananakop na ginagawa ng Russia, hindi nawawalan si Zelensky ng panahon para magbigay ng mga update sa kanyang mga kababayan sa tulong ng social media, ang platapormang ginamit niya noon kaya nahalal siya bilang pangulo ng kanilang bansa.
Ngayong gabi, February 28, 2022, muling binigyan ni Zelensky ng pag-asa ang mamamayan ng Ukraine dahil sa kanyang pinakabago niyang Facebook post.
Mensahe niya, “When I ran for presidency, I said that each of us is the President because we are all responsible for our state, for our beautiful Ukraine.
“And now it turns out that each of us is a warrior. The warrior in his or her own place. And I am confident that each of us will win. Glory to Ukraine!”
Nagbunga nang maganda ang maigting na panawagan ni Zelensky sa ibang bansa na suportahan ang Ukraine dahil nagpadala ng mga armas ang Germany at isinara ng Canada at European Union (na may dalawampu’t pitong bansa na miyembro) ang airspace para sa Russian planes.
Naglabas naman ng joint statement para sa suporta nila sa Ukraine sina Prince William at Kate Middleton, ang Duke at Duchess ng Cambridge.
Pahayag nila: “In October 2020 we had the privilege to meet President [Volodymyr] Zelensky and the First Lady to learn of their hope and optimism for Ukraine’s future.
“Today we stand with the President and all of Ukraine’s people as they bravely fight for that future.”