Parehong nakaramdam ng pangungulila sa kanilang mga asawa at anak ang StarStruck winners na sina Mark Herras (Season 1) at Mike Tan (Season 2) dahil isang buwan silang nawalay mula sa kanilang mga pamilya nang mag-umpisa ang lock-in taping nila para sa Artikulo 247.
Ang Artikulo 247 ang afternoon drama series ng GMA-7 na mapapanood simula sa Lunes, March 7, 2022.
Isang buong taong kasama ni Mark ang kanyang asawa na si Nicole Donesa at ang anak nilang si Mark Fernando kaya nanibago siya nang pumasok sa bubble taping ng Artikulo 247.
“This is my first lock-in taping talaga sa GMA, so siyempre, nag-adjust nang malala kasi almost one year kong kasama yung asawa at anak ko. And then, biglang hihiwalay ka sa kanila ng lampas ng isang buwan,” sabi ni Mark sa naganap na digital presscon ng bagong programa niya sa Kapuso Network.
“Siyempre, mahirap yun. Talagang mami-miss mo yung family mo.
"Pero kailangan ko nang magtrabaho. Kailangan ko nang kumayod.
"That’s the purpose of doing work for me, to provide for my family and, at the same time, para makagawa ng trabaho sa GMA."
Dagdag ni Mark, “Nung first lock-in taping, medyo hirap makatulog.
"Pero yung mga kasama ko naman sa taping — sina Mike at Ben [Bejamin Alves], sina Rhian [Ramos] at Kris [Bernal] — parang family na rin.
"Pero hindi mawawala yung mami-miss mo yung anak mo, yung asawa mo. Buti na lang, may Internet."
Sa kabilang banda, naranasan na ni Mike ang lock-in taping noon para sa Nagbabagang Luha at Love. Die. Repeat.
Pero ibang klaseng lungkot ang naramdaman niya sa set ng Artikulo 247 dahil sa matinding pangungulila sa kanyang asawa at dalawang anak na babae.
Saad niya, “Actually, nasasanay na ako kasi yung first bubble taping namin, yung kami ni Glaiza [de Castro for Nagbabagang Luha], tapos nagkaroon pa ako, kami nina Jen [Jennylyn Mercado for Love. Die. Repeat] kaya lang naputol.
“Pero ngayon ko lang masasabi na mas nakakalungkot yung [lock-in taping] ngayon.
"Hindi ko alam kung bakit, siguro kasi mas nagiging close na kami ng second daughter ko so mas nakakalungkot siya kesa noong simula ng lock-in taping."
Patuloy ni Mike, “Noong simula ng lock-in taping, parang missed na missed ko ang magtrabaho kasi nasa pandemic kayo.
“Parang isang buong taon na hindi ka nagtatrabaho or hindi ka nagte-taping so miss na miss mo na magtrabaho.
"Pero ngayon, iba yung longing mo sa mga bata, pati sa asawa mo, kasi hindi mo sila nakikita.
"Hindi ko alam siguro dahil kontrabida ang ginagawa ko [sa Artikulo 247]. Iba yung iniisip ko, iba yung nire-research ko, iba yung mindset ko."
Nagsakripisyo man sina Mark at Mike na malayo nang matagal mula sa kanilang pamilya, maganda naman ang naging resulta dahil pinupuri ang mga eksena at pagganap na ipinamalas nila sa official trailer ng Artikulo 247.