Mahalaga ang pagdalo ng mga kandidato sa mga network-sponsored debate dahil nakikilala sila nang husto ng taumbayang magluluklok sa kanila sa puwesto at malinaw na mailalahad nila ang mga plataporma para sa ikauunlad at pagsulong ng bansa.
Marami sa mga kumakandidatong senador na dumalo sa senatorial debate ng Sonshine Media Network International (SMNI) na ginanap sa Okada Manila kagabi, March 2, 2022, ang hindi kilala at hindi popular.
Pero nagmarka ang ilan sa kanila dahil sa mahusay nilang pagsagot sa mahihirap na katanungan at ipinamalas na katapangan.
Si Atty. Luke Espiritu, kumakandidatong senador sa ilalim ng Partido Lakas ng Masa, ang isa sa mga nakinabang nang husto sa senatorial debate ng SMNI.
Bukod sa pag-ani ng mga papuri, nag-trending sa social media ang pangalan ni Espiritu dahil sa pakikipagsagutan niya sa kapwa senatorial aspirants na si dating presidential spokesperon Atty. Harry Roque at ang suspended lawyer na si Atty. Larry Gadon.
Sina Roque at Gadon ay kabilang sa senatorial lineup ng tandem nina Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte.
Ang SMNI ay ang television network na pag-aari ng controversial religious leader na si Apollo Quiboloy, na kasama na ngayon sa "most wanted sex traffickers" sa Amerika.
ESPIRITU VS GADON
Nagsimula ang maaanghang na palitan na salita ng mga abogadong sina Espiritu, Roque, at Gadon nang sagutin nila ang katanungan tungkol sa Juvenile Justice Welfare Act: "How will you address the problem of children even younger than nine years old being used as scapegoats in the commission of grave or serious crime?"
Si Gadon, na isang Marcos loyalist, ang unang pinasagot sa naturang tanong.
Sagot niya: "Tama naman na responsibilidad ng mga magulang ang pagbigay ng payo sa mga bata, pero ganoon din ang Catholic church.
"Marami sa mga pari na sa halip na magturo ng leksyon sa mga bata, ang inaatupag nila yung mga anti-Marcos, anti-martial law, at mga communism ang kanilang itinuturo. So, dapat suwetuhin din itong Catholic church.
"Wala na kayong ginawa kundi manira kay Marcos, kay Bongbong. Kung anu-anong mga kalokohan martial law kayo, mga pari kayo. Dapat ang ituro niyo yung kagandahang-asal, hindi yung pamumulitika!”
Nang hingin ang reaksiyon ni Espiritu tungkol sa Juvenile Justice Welfare Act, ito ang naging sagot niya:
"I agree na hindi dapat binababaan ang age of criminal responsibility. I disagree na dapat parusahan ang mga magulang. Tandaan natin ang krimen sa baba ng ating lipunan, sa mga mahihirap ay dahil sa social problems na crineate [nilikha] ng ating lipunan.
"I also agree na dapat bigyan natin ng tamang values ang mga kabataan. Dapat itinuturo sa school na masama ang extrajudicial killing, masama ang red-tagging, masama si Marcos, marami siyang human rights violations…"
Hindi pa tapos si Espiritu sa pagsasalita pero nanggagalaiting sumingit si Gadon ng "I disagree..."
Dahil ayaw magpaawat ni Gadon, paulit-ulit na sinabi ni Espiritu, "It’s still my time. It’s still my time. Don’t be rude!"
Pagpapatuloy ng kanyang sagot sa tanong: "Dapat tinuturuan natin ang kabataan na respetuhin ang buhay, ang human rights.
"Respetuhin ang buhay ng lahat at hindi dapat pumapatay ang ating mga gobyerno at hindi nagnanakaw ang ating gobyerno. Diyan tayo magkakaroon ng mabuting henerasyon ng ating mga kabataan!"
Nang hingan si Gadon ng rebuttal sa pahayag ni Espiritu, ito ang sinabi niya: "Palagi nilang pinu-point ang human rights violations ni Marcos, e, unang-una, sino ba ang nagpapatay sa mga NPA [National People's Army] na gustong sumurender?
"Di ba, si Joma? E, bakit sisisihin si Marcos? It’s a fact!"
Ang tinutukoy niyang "Joma" ay Jose Maria Sison, ang founder ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Dagdag pa ni Gadon, "Sino ba ang bumomba sa Plaza Miranda? Sina Joma? E, bakit isisisi kay Marcos yun? We should not use this forum for a propaganda against the Marcoses!”
Ang Plaza Miranda bombing ay naganap sa political rally ng Liberal Party noong August 21, 1971. Dahil sa pagsabog, siyam ang namatay at 95 ang nasaktan, kabilang na ang ilang prominenteng Liberal Party politicians gaya ni Jovito Salonga na nabulag ang isang mata at nabingi sa isa niyang tenga.
Bagamat ibinibintang sa CCP ang malagim na insidente, hanggang ngayon ay itinatanggi ni Sison na may kinalaman sila rito. Karamihan naman ng mga historian ay pinagsusupetsahang may kinalaman dito ang presidente noong si Ferdinand Edralin Marcos, ang ama ni Marcos Jr.
Hindi pinalampas ni Espiritu ang mga akusasyon ni Gadon.
Buwelta niya: "Binuksan mo ang usapan, huwag mo akong pagbawalan! I go by the record, Amnesty International, 3, 257 ang pinatay nung panahon ni Marcos."
Hindi pa rin huminto si Gadon sa pagsingit habang nagsasalita si Espiritu kaya sa mataas na boses, pinaalalahanan ni Espiritu ang katunggali: “It’s my time, huwag kang bastos! It’s my time!"
Kasunod na sinabi ni Espiritu ang mga datos na naitala ng Amnesty International kaugnay na martial law noong panahon ng ama ni Marcos Jr.: "35,000 ang tinorture, 70, 000 ang ikinulong. It’s a matter of record!"
Si Gadon ay sinuspinde ng Supreme Court dahil sa pagmumura at magaspang nitong mga salita laban sa veteran journalist na si Raissa Robles kasunod ng pahayag ng huli tungkol sa tax conviction ni Marcos Jr.
GADON VS ROQUE
Hindi lamang si Gadon ang nakatikim ng prangka at may latay na pananalita ni Espiritu dahil sinagot din nito ang interpolation ni Roque.
Sabi ni Roque: “Inisa-isa ko po ang record, wala pong kaso for human violations sa Amerika si Ferdinand Marcos Jr.
"Inisa-isa ko rin po ang mga kaso na decided po ng ating Philippine Supreme Court, totoo po, co-administrator si Ferdinand Bongbong Marcos, wala pong kaso na siya mismo ang nagnakaw.”
Maagap ang reaksiyon dito ni Espiritu.
Pahayag niya: “With all due respect to Atty. Harry Roque, I know your history. You were anti-Marcos before. You were for human rights before.
"You spend your life against the Marcoses, you work for human rights, and now that you were given a senate spot under the party of Bongbong Marcos, now you cry hallelujah and praise Marcos!”
Ipinagtanggol ni Roque ang sarili sa akusasyon ni Espiritu sa 30-second rebuttal na ibinigay sa kanya.
Palusot niya: “There was nothing respectful with what you said against me. Ang katotohanan po, ang pinag-uusapan, hindi po ang patay na Marcos. Ang pinag-uusapan, ang buhay na Marcos.
"Sa akin po, panagutin ang mga nagkasala. Pero yung hindi po gumawa ng kahit anong kasalanan, huwag po nating idamay sa sisi. Yun lang po!"
Hanggang ngayon ay itinatanggi at hindi pa rin inaako ng pamilya Marcos, kabilang na si Bongbong, ang mga krimeng nangyari noong panahon ng martial law sa kabila ng napakaraming testimonya ng mga biktima.
WHO IS ATTY. ESPIRITU?
Napansin si Espiritu ng publiko dahil sa partisipasyon niya sa senatorial debate ng SMNI. Pero kung babalikan ang nakaraan, hindi siya baguhan sa limelight.
Si Espiritu ang legal counsel ni Janelle Manahan, ang former actress at girlfriend ni Ramgen Revilla, ang aktor na pinaslang noong October 28, 2011.
Si Janelle ang unang binaril ng salarin na may suot na maskara pero nakaligtas siya, samantalang idineklara si Ramgen na dead on arrival nang dalhin sa ospital.
Hanggang ngayon, hindi pa nila nakakamit ang hustisya.
Muling nabanggit sa mga interbyu ang pangalan ni Espiritu noong 2014 dahil siya ang abogado ni Mary Christine Jolly sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 (Anti-Violence Against Women and their Children Act) na isinampa nito laban sa ex-husband niyang si Derek Ramsay.

Atty. Luke Espiritu (in barong Tagalog) with Mary Christine Jolly and her other lawyers
Noon pa man, kilala na si Espiritu sa paggamit ng matatapang na salita dahil sa kanyang hamong dapat ilantad na fraud si Derek nang maglabas siya ng official statement tungkol sa kaso ni Jolly.
Bahagi ng pahayag niya laban sa aktor: "He lived out, and capitalized on the lie that he is a bachelor, consciously concealed his status as married with a child, and paraded his female trophies to the public and to the local paparazzi while ignoring his legal obligations to his wife and child.
"If Derek could lie and run away from his legal obligations for 12 years, he should very well not expect to inspire belief from any court of law or from the Office of the City Prosecutor."
Read: Mary Christine Jolly's lawyers lambast Derek Ramsay