Nilinaw ng direktor na si Brillante Mendoza na hindi remake ng 1985 period movie na Virgin Forest ang ang kanyang bagong proyekto na kinunan ang mga eksena sa mga lalawigan ng Batangas at Quezon.
Itinuwid ni Mendoza ang mga maling akala dahil may kinalaman sa illegal logging ang kuwento ng kanyang pelikula kaya Virgin Forest din ang pamagat nito.
"Pro-environment," sabi ni Direk Brillante tungkol sa pelikula na pinagbibidahan nina Ivan Padilla, Angeli Khang, Mark Anthony Fernandez, Sid Lucero, Vince Rillon, Markki Stroem, at Alma Moreno.
Natapos na ang principal photography ng Virgin Forest na nagsimula ang shooting noong February 28, 2022.
Ang litratong may nakapulupot sa leeg ni Markki na malaking sawa ang isa sa mga “patikim” na inilabas nila ni Direk Brillante sa kanilang mga social media page.
Ang Virgin Forest ang isa sa mga pelikula ni Direk Brillante na gagamit sa lumang pamagat dahil Virgin Forest ang titulo ng 1985 film ni Peque Gallaga sa Regal Films na pinangunahan nina Sarsi Emmanuelle, Miguel Rodriguez, at Abel Jurado.

Noong January 2022, nagsimula ang streaming sa Vivamax ng Sisid na mula rin sa direksiyon ni Direk Brillante. Kapareho ito ng pamagat ng 2001 film nina Assunta de Rossi, Raymond Bagatsing, at Rodel Velayo sa Seiko Films.
Tulad ng Virgin Forest ni Direk Brillante, pro-environment ang tema ng Sisid na tinampukan nina Kylie Verzosa, Paolo Gumabao, at Vince Rillon. Malayong-malayo ang kuwento nito sa pelikula ni Assunta, sa ilalim ng direksiyon ni Joey Romero.
