Nakakulong pa rin ang former Pilipinas Got Talent finalist Vape Master na si Mark Joven Olvido sa Sta.Cruz Municipal Jail sa Sta. Cruz, Laguna.
Dito siya dinala matapos mahuli sa isang buy-bust operation noong February 18, 2022 sa Sitio San Miguel, Barangay Duhat ng nabanggit na bayan.
Unang dinakip si Olvido noong May 14, 2021 nang mahuli sa pag-iingat niya ang shabu, na nakalagay sa sachet, na nagkakahalaga ng P2,000. Paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kasong isinampa laban sa kanya.
Nakalaya noon si Olvido mula sa pagkakapiit dahil sa plea bargaining agreement kaya sumailalim siya sa probasyon.
Sa pangalawang beses na pagkakahuli kay Olvido noong nakaraang buwan, hindi na siya maaaring makapagpiyansa para sa pansamantalang kalayaan.
Ito ay dahil pagbebenta at hindi lamang pag-iingat ng illegal drugs—na malinaw na pagsuway sa Section 5 at Section 11 ng Article 11 ng Republic Act 9165—ang mga kasalanan niya.
Tiniyak ng isang source na nakausap ng Cabinet Files ngayong Miyekules ng gabi, March 9, na malabo ang posibilidad na makalabas si Olvido mula sa pagkakapiit dahil sa kanyang kaso.
Apatnapu't dalawa (42) ang bilang ng mga kasamahan ni Olvido sa selda ng Sta. Cruz Municipal Jail, na halos 10-square meters lamang ang sukat, kaya ramdam na ramdam nila ang maalinsangang panahon lalo na ngayong panahon ng tag-init.
Pinapayagan ang araw-araw na pagdalaw sa mga preso ng pamilya nila na matiyagang nagdadala sa kanila ng mga pagkain.
Pero iba pa rin ang malayang pamumuhay kaya marami ang naghihinayang kay Olvido, na muling ibinalik sa kulungan dahil ipinagwalang bahala niya ang ipinagkaloob sa kanyang kalayaan noong nakaraang taon sa bisa ng plea bargaining agreement.