Personal na nasaksihan ng isang showbiz personality ang “pagluluka-lukahan” ng aktres sa show nilang nangyari sa ibang bansa.
Ang showbiz personality ang special guest sa nabanggit na show.
Pagkatapos ng kanilang pagtatanghal, may nakatakdang meet-and-greet ang aktres sa mga nanood ng concert nila.
Hindi lumabas mula sa dressing room ang aktres dahil hindi nito matanggap na hindi sold-out ang concert niya kaya kakaunti lamang ang nanood.
Isang avid fan ng aktres ang matiyaga at matagal na naghintay sa aktres dahil ang makita ito nang personal ang isa sa mga bucket list niya.
Dahil dismayado nga ang aktres sa resulta ng show, hindi siya lumabas mula sa dressing room, kahit alam niyang naghihintay ang kanyang mga tagahanga na nanggaling pa sa malalayong lugar.
Nang sabihin sa avid fan na hindi mangyayari ang pinakamimithi niyang photo opportunity sa kanyang iniidolo na aktres, bigla siyang pumalahaw ng iyak na ikinabigla at ikinataranta ng mga tao sa paligid niya.
Ikinuwento ng showbiz personality, na saksi sa buong pangyayari, na "nag-breakdown" ang avid fan na daig pa ang namatayan. Para tumigil ito sa pag-iyak, siya ang nakipag-usap at humingi ng pasensya dahil sa nangyari.
Ikinuwento ng showbiz personality na siya na lamang ang “nagpa-picture” sa avid fan, pero naloka siya sa eksena dahil sa patuloy na pagdaloy ng luha ng tagahanga habang kinukunan sila ng litrato.
Napagtanto ng showbiz personality na may katotohanan ang mga balita at hindi basta tsismis na matindi ang prima donna at diva attitude ng aktres dahil sa kanyang nasaksihan at personal na karanasan.
Mula noon, nagbago na rin ang tingin ng showbiz personality sa aktres na ipinakita ang tunay na ugali sa show na pinagsamahan nila sa ibang bansa.