Matagal nang magkaibigan sina Julia Barretto at Awra Briguela pero lalong lumalim ang kanilang relasyon nang magkasama sila sa The Seniors, ang coming-of-age series na mapapanood sa Vivamax simula sa March 20, 2022.
Lahad ni Awra, “Dito [The Seniors] kami nagkakilala talaga and sobrang naging deep ng friendship namin.
"Kasi lahat ng struggles namin and problems sa buhay, napag-usapan namin. Mas nakilala namin ang isa’t isa.
“After ng The Seniors, nagki-keep in touch pa rin kami, like may mga bagay kaming napag-uusapan. Nag-start siya [friendship] nang in-invite niya ako sa 19th birthday niya.”
Ipinagtanggol ni Awra si Julia laban sa mga paninira ng ibang mga taong walang alam sa diumano’y napakagandang ugali ng 25-year-old actress.
“Si Ate Julia, ibang-iba siya sa pagkakakilala ng tao sa kanya. Sobrang bait ni Ate.
"Alam ng lahat ng staff sa The Seniors and lahat ng nakakatrabaho ni Ate sa movies and series kung gaano siya kabait na tao at katrabaho.
“Lagi lang siyang nami-misinterpret ng tao, pero ibang-iba yung pagkakilala ko kay Ate. Super caring niya, sobrang loving niya, sobrang joyful lang ni Ate.
"Gusto lang niya, laging masaya kasi sa The Seniors. Kahit nagkakaroon ng problems, ang saya-saya pa rin namin.
“Lagi niya akong tinatanong kung kumain na ako para sabay kami. Very ate talaga siya sa akin.
"And as a person, alam ng ibang cast members kung gaano kabait si Ate," saad ni Awra.
NO BULLYING EXPERIENCE
Kung bullying victims ang ibang tran swomen na kaedad niya, mapalad si Awra dahil hindi nito naranasang apihin noong high school student pa lamang siya kaya masaya at maganda ang mga pananaw niya sa buhay.
Lahad niya, “As bida-bida, Miss Everything talaga ako noong high school kasi nga po, nag-aartista na, nag-join pa ako ng varsity, sumali pa ako sa dance club.
“As a gay friend, lahat circle of friends ko, lahat kaibigan ko kahit mapa-lalake o babae.”
Nagpakatotoo si Awra nang umaming hindi siya masyadong matalino kaya binabawi niya ang lahat sa performance.
“Bida-bida ako dahil hindi naman not so brainy, babawi sa performance task dahil mas mataas ang performance task sa exams. So, mas bumabawi ako sa performance tasks, sa mga project.”
Itinanghal na Queen of the Prom si Awra noong 2019 sa Catholic high school na kanyang pinasukan, at isa ito sa mga karanasang hindi niya malilimutan.
Bilang pruweba, ipinakita ni Awra ang litrato niya nang dumalo siya sa Junior Senor prom ng kanilang paaralan.

“Kapag may mga ganap sa school, nagde-dress up talaga ako nang malala, like kapag may mga UN [United Nations celebration].
“Ang craziest thing [na ginawa ko], nung prom kasi Catholic school ako... they allowed me to cross-dress kaya nanalo ako ng Queen of the Prom.”