Ang 21-year-old na si Karolina Bielawska ng Poland ang itinanghal na 70th Miss World sa coronation night na ginanap nitong Miyerkules ng gabi, March 16, 2022 (March 17 ng umaga sa Pilipinas) sa Coca-Cola Music Hall, San Juan, Puerto Rico.
Isang sorpresa para sa nakararami ang panalo ni Bielawska dahil ang second runner-up na si Olivia Yacé ng Cote D’lvoire ang inakala nilang magwawagi.
First runner-up si Miss USA Shree Saini.
Read: Miss World 2021 is Karolina Bielawska of Poland
Pinupuri ng buong mundo ngayon ang Poland dahil sa pagtanggap at pagkalinga nito sa mahigit isang milyong Ukrainians na lumikas mula sa Ukraine nang magsimula ang tangkang pananakop ng Russia noong February 24, 2022.
Posibleng isa ito sa mga dahilan kaya si Bielawska ang nanalong Miss World 2021.
Ang English singer na si Peter Andre at ang Mexican singer na si Fernando Allende ang mga host ng 70th Miss World, na live na napanood sa Pilipinas sa streaming site na UPSTREAM.ph.
Nakaka-miss si Miss World 2013 Megan Young bilang host ng Miss World dahil, sa palagay namin, hindi nagampanan nang maayos ni Andre ang hosting job nito.
Malaki ang natipid ng Miss World Organization sa budget dahil hindi na sila nag-imbita ng performers nang pakantahin nila si Allende at si Miss World 2020 Toni-Ann Singh.
Definitely, walang kinalaman ang apelyido ni Singh kaya siya ang pinaawit ng "The Prayer" sa Candles in the Dark tribute ng 70th Miss World sa Ukraine.
Bago kumanta si Singh, ipinakita muna ang video ni Miss Ukraine World 2016 Oleksandra Kucherenko na nagsalita tungkol sa kalagayan ng kanilang bansa na pilit na sinasakop ng Russia.
Mensahe ni Kucherenko: “Today, I woke up at 5 to the sound of bomb explosion nearby. I pray to stop this war. I pray that children won’t die under fire anymore, that women won’t hide in shelters and men won’t suffer on the front.
“I pray that we, Ukrainians, would live [a] peaceful life on our native land.”
Sinundan ito ng pagkanta ni Singh.
Maganda ang simula ng pag-awit ng Miss World 2022 sa "The Prayer." Pero habang tumatagal, naging masakit sa tenga ang boses niya.
Imbes na ipagdasal ang kapayapaan ng Ukraine, mas nangingibabaw sa manonood ang pag-aalala dahil sa takot na baka hindi maabot ni Singh ang napakataas na tono ng kanta.
Hindi natapos sa "The Prayer" ang pagtatanghal ni Singh.
Muli itong kumanta ng "Never Enough," ang original soundtrack mula sa 2017 musical drama movie na The Greatest Showman, bilang parangal naman kay Julia Morley, ang chairman at CEO ng Miss World Organization.
Ang muling pag-awit ni Singh ang dahilan kaya nagreklamo ang ilang bored viewers na nagtanong kung isa nang concert ang beauty pageant na kanilang pinanonood.
May mga nagkomento ng "Shut up!" at "It’s enough!" habang kumakanta si Singh sa coronation night ng 70th Miss World.
Nagmistulang amateur presentation ang Miss World 2021 finale dahil makikita sa harap ng kamera ang pagdaan ng production staff at mahahalata sa bawat segments ang kakulangan ng coordination sa mga namahala ng programa.