“Si Kim, feeling niya, alam niya lahat” ang pabirong sabi tungkol kay Kim Molina ng kanyang kapwa judge detectives na sina Bayani Agbayani, Matteo Guidicelli, at Aga Muhlach.
Pero muling pinatunayan ng 30-year-old actress ang husay sa panghuhula dahil tama ang kanyang kutob na si Aubrey Caraan ang nasa likod ng maskara ng Masked Singer na si Babe-Wit sa pilot episode ng Season 2 ng Masked Singer Pilipinas.
Umere ngayong Sabado, March 19 kaninang 6:00 pm sa TV5 ang nasabing show.
“Yung quality ng boses niya kasi makapal," sabi ni Kim.
"So ang alam ko na ganitong boses sa isang pop group before na wala na ngayon na nagsosolo kasi siya ngayon at nag-lead sa film ng 2021. Ang feeling ko, nagge-guestings na siya na mag-isa…Aubrey.
“Siya ang lead ng Ang Manananggal na Nahahati Ang Puso na nasa Vivamax ngayon, written and directed by Darryl Yap.
"Sine-send kasi sa akin ni Direk yung songs and siya [Aubrey] yung isa sa mga kumanta,” ang siguradung-sigurado na pahayag ni Kim na hindi nagkamali dahil tumpak ang kanyang hula na si Aubrey ang nasa loob ng costume ni Babe-Wit.
Si Aubrey ang unang casualty sa mga celebrity contestant ng Season 2 ng Masked Singer Pilipinas dahil siya ang nakatanggap ng pinakamababang boto mula sa judge detectives.
“Actually, sobrang init po pala [ng costume] pero sobra po akong nag-enjoy. At the same time, kinabahan din po ako pero nag-enjoy po talaga ako.
"Thank you, Masked Singer Pilipinas for this opportunity,” ang sagot ni Aubrey nang tanungin ng host na si Billy Crawford tungkol sa kanyang short-lived exposure sa reality singing competition ng TV5 at Viva Television.
Gulat na gulat naman at nakapagsalita ng “Oh, my God!” ang judge detective na si Cristine Reyes dahil hindi nito nahulaan ang katauhan ng young actress na nakatrabaho niya sa Philippine adaptation ng Korean drama series na Encounter.
Si Bayani Agbayani ang bagong karagdagan sa listahan ng judge detectives ng Masked Singer Pilipinas at hindi nagkamali ang mga television executive na isali siya sa grupo nina Aga, Kim, Matteo, at Cristine dahil nakatulong ang partisipasyon niya para lalong maging masaya ang programa.