May hatid na pagkabagot sa mga artista ang mga lock-in taping na tumatagal ng maraming linggo.
Ito marahil ang dahilan kaya nagiging mahina ang ilan sa kanila sa tukso at ginagawa ang mga ipinagbabawal na makakaapekto sa kanilang mga trabaho, tulad ng pag-inom ng alak at mga “extra-curricular” activity.
Narito ang tatlong insidente na nangyari sa mga lock-in taping...
Unang insidente: Pinauwi ang ilang mga artista nang mahuli silang umiinom ng alak sa kanilang lock-in taping.
Binigyan ng babala ang mga artistang kasali sa inuman pero hindi puwedeng pauwiin dahil importante sa kuwento ng programa ang mga karakter na ginagampanan nila.
Pangalawang insidente: Inilipat ng kuwarto ang not-so-popular female star na nakitang nanggaling mula sa kuwarto ng aktor na kasama niya sa lock-in taping.
Hindi assurance o katiyakan na hindi na makakagawa ng milagro ang dalawa dahil kahit malayo na mula sa isa’t isa ang mga kuwarto at kung gugustuhin nila, madali sa kanila ang makaisip ng solusyon para magkita sila nang palihim.
Pangatlong insidente: Nagalit ang aktor nang mawala ang kanyang cell phone.
Nagduda ang aktor na ninakaw ang cell phone nito kaya nagreklamo siya, pero biglang nanahimik dahil natagpuan ang kanyang telepono sa kuwarto ng female co-star niya.
Dahil nakainom, nalimutan ng aktor na natulog siya sa kuwarto ng aktres at dito niya naiwan ang kanyang cell phone na "nawala."