Ang UP Ikot Drivers Association ang makikinabang sa huling taon ng paglalaro ni Ricci Rivero ng UP Fighting Maroons sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) dahil sa pangako ng basketball player/actor na magbibigay ito ng P250 sa mga jeepney driver na miyembro ng nabanggit na samahan sa bawat puntos na magagawa niya sa lahat ng kanyang mga laro.
Ang kabuhayan ng mga jeepney driver ng UP Ikot Drivers Association ang isa sa mga naapektuhan nang husto ng coronavirus pandemic mula noong 2020 hanggang sa kasalukuyan.
Hindi ito ang unang pagkakataon na inisip ni Ricci ang kapakanan ng mga jeepney driver na pumapasada sa paligid ng University of the Philippines dahil nitong mga nakaraang buwan, kasama niya ang kanyang pamilya sa pagbibigay ng mga donasyon na paninda sa pamamagitan ng kanyang RR25 (Ricci Rivero 25 dahil 25 ang kanyang jersey number) advocacy.
“Marami po sa kanila ang may mga pamilya na sinusuportahan at sa pagpasada sila kumukuha ng pangkabuhayan nila.
“Noong nawala po ang face-to-face classes at mga public transport, sobrang malaking kawalan sa mga jeepney driver kaya naisip ko po na i-offer sa kanila ang final year ko bilang UP Maroons player sa UAAP para matulungan ko sila kahit papaano. Sabay po kaming magbabalik sa kanya-kanyang mga biyahe para pagsilbihan ang UP,” pahayag ni Ricci tungkol sa kanyang adbokasya para sa UP Ikot Drivers Association.
Suportado ni Charlie Dy, ang head ng Virtual Playground Management at namamahala sa sports at acting career ng popular 23-year-old basketball player, ang pagtulong na ginagawa nito para sa mga jeepney driver.

“When we learned about Ricci’s plan, I immediately said we wanted to also contribute so we’re pledging to match the total amount of Ricci’s full season performance.
“It’s our way to also give back to the UP Community as well as encourage Ricci to perform his best on his final year,” ani Dy.
Ang huling taon ni Ricci bilang manlalaro ng UP Maroons sa UAAP ang dahilan kaya pansamantala siyang nagpahinga sa kanyang showbiz career.
Ang youth-oriented movie na Happy Times na nagsimula ang streaming noong December 2021 at napapanood pa rin hanggang ngayon sa UPSTREAM.ph ang huling pelikula na ginawa ni Ricci bago ito pormal na nag-anunsyo na pagtutuunan muna niya ng panahon ang kanyang basketball career.