“Thank you, Lord! Thank you!”
Ito ang maligayang-maligayang sambit ni Willie Revillame dahil sa magandang balitang natanggap niya mula sa kanyang doktor na negatibo siya sa kanser.
Noong nakaraang linggo, humingi ng dasal si Willie mula sa Facebook at YouTube viewers ng Wowowin dahil nagkaroon siya ng health scare nang matuklasan ng kanyang doktor ang polyps sa colon o large intestine niya.
Isiniwalat ni Willie na ilang araw na siyang hindi nakakatulog dahil sa paghihintay sa resulta ng mga pagsusuring ginawa sa kanya.
Ngayong Lunes ng gabi, March 28, 2022, masayang-masayang ibinalita ni Willie sa Wowowin ang good news tungkol sa kalusugan niya.
“Kailangan po, nagpapa-executive check up tayo, yearly.
"Kung hindi niyo naman kaya, magpa-check kayo kahit out-patient kayo, lalung-lalo na yung endoscopy, colonoscopy, para malaman niyo ho kung anong meron kayo sa loob,” simulang kuwento ni Willie tungkol sa kanyang health scare.
Pinayuhan niya ang lahat na sumailalim sa taon-taong checkup.
“Katulad nung akin, nagkaroon ho ako ng tinatawag nating polyps. Nakita sa colon ko na may polyps ako, madalas merong ganoon, natatanggal naman every year.
“E, two years ho tayong hindi nagpa-executive check up because of COVID. So, dalawang taon akong hindi na-check, and then merong nakita sa stomach ko.
“Pero awa ho ng Diyos, kanina, tinawagan ako ng 8:30 a.m. ng aking doktor, Dr. Juliet Cervantes ng St. Luke’s Global.
“Sabi niya, ‘O, Willie, kumusta ka? Sobra kang magdasal. Good news, negative ka sa cancer!’
“Thank you Lord! Thank you! Maraming-maraming salamat ho sa lahat ng mga nagdasal [para] sa akin,” ang tuwang-tuwang pasasalamat ni Willie.
Inamin ng TV host na hindi niya naiwasang mag-isip habang hinihintay niya ang resulta ng check up sa kanya.
“Medyo hindi ako nakakatulog ng ilang gabi. Sabi ko nga, I’m ready. If worse comes to worst, ooperahan ako, puputulin yung bituka ko, ready naman ako.
“Ganoon talaga ang buhay. Mag-stop ako ng one month o mahigit one month and a half, okay lang din.
"But anyway, ang pinakaimportante, maraming-maraming salamat sa lahat ng mga nagdasal. Maraming salamat sa mga kaibigan ko, sa lahat."
Pinaalalahanan din ni Willie ang publiko na huwag basta maniniwala sa mga kumakalat na balita tungkol sa kanya dahil mismong siya ang maglilinaw at magpapaliwanag sa mga isyung kinasasangkutan niya.
Saad niya, “Yung mga lumalabas na kung anu-anong balita, sa akin kayo maniwala, huwag sa tsismis.
“Huwag ho sa mga nagre-report na tsismis lang. Nakoo, sa akin kayo maniwala. Basta, ayoko na lang magsalita.
"Gusto namin siguraduhin kung ano ang mangyayari sa Wil Network, Wil TV app."
Sinabi ni Willie na walang katotohanan ang tsismis na, diumano, nagpaparamdam siya sa management ng GMA-7 para makabalik ang kanyang programa.