Nilinaw ni Willie Revillame na wala pa siyang commitment sa presidential aspirant at former senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ay sa kabila ng "Mr. President" at "mahal na pangulo" na ang tawag ng sikat na TV host sa presidential candidate.
Sa live streaming ng Wowowin sa YouTube nitong Martes ng hapon, April 26, 2022, ibinahagi ni Willie sa viewers ang video ng pag-uusap nila ni Bongbong ilang minuto bago nagsimula ang kanyang programa.
Ikinuwento ni Willie na nagkausap sila ni Bongbong nang tawagan siya sa cellphone ni Sara Duterte, ang vice-presidential contender at running mate ni BBM.
“Mr. President, mahal na pangulo, nagkita po kami ni Manong Chavit [Singson], e, mag-uusap daw tayo,” sabi ni Willie sa presidential candidate.
Pumayag makipagkita at makipag-usap sa TV host si Bongbong sa pamamagitan ng video call.
Sabi ni Willie kay Bongbong, "Meron kaming ginawa ni Vehnee Saturno na kanta para sa 'yo.
"Ang kulang ninyo sa kampanya, puso. Ang title nun, 'Puso Para sa Bayan.' Kay Ma’am Sara, 'Sara Ikaw Na Nga,' yung kanta ko,
“Now, I have a song, ang title po 'Puso Para sa Bayan,' mahal na pangulo.
"Ingat po kayo Sir, Mr. President, Vice President."
Pagkatapos nito ay sinabi ni Willie sa mga nanonood ng kanyang programa, "'Yan naman ho, e, walang commitment pa.
"'Yan naman ho ay tinawagan lang ako. Nagulat ho ako dahil ho biglang tumawag si Ma’am Sara.
"Nag-text ako sa kanya, sabi ko tinawagan ako ni Manong Chavit kahapon ho ng umaga, nagbe-breakfast ako.
"Sabi niya, ‘Nasaan ka? Mag-usap tayo. Gusto kitang makausap.’
"After ho ng dinner namin, para malaman niyo lang ho. Para hindi kayo nagugulat."
Ulit niya, "Wala naman pong commitment ‘yan. Gusto lang daw nila akong makausap at, yun nga, sabi ko, 'Sige ho. Mag-uusap ho kami.'
"Hindi ko alam kung ano ang pag-uusapan namin."
Patuloy ni Willie, "But anyway, ilang tulog na lang ho ito, eleksyon na.
"Natawag ko silang Mr. President at Vice President kasi yun naman ang tinatawag sa kanila.
"Pero malalaman pa naman ho natin ‘yan mismo sa May 9 kung sino talaga ang magiging presidente. Wala pa naman desisyon ang sambayanan.
"Sa lahat ng mga botante, sa lahat ng mga boboto, may karapatan ho tayong lahat at bawat Pilipino.
"So, ito na po ang pagkakataon kung gusto natin ng pagbabago. Kung gusto natin ng pagkakaisa. Gusto natin na maging maganda ang buhay ng bawat Pilipino."