Special mention ang pangalan ng aktor na si Enchong Dee sa campaign rally ni Drivers United for Mass Progress and Equal Rights (DUMPER) PartyList Representative Claudine Bautista-Lim na naganap ngayong Linggo ng gabi, May 1, 2022, sa Crocodile Park, Davao City.
Sa kanyang talumpati, simabi ni Bautista-Lim na nakipag-ugnayan noon sa kanya si Enchong pagkatapos batikusin ng aktor sa social media ang pagpapakasal ng kongresista sa negosyanteng si Jose French "Tracker" Lim sa Balesin Island Resort.
Sa salitang Bisaya na isinalin ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) sa Tagalog, inilahad ni Bautista-Lim sa mga kababayan nito na, diumano, nagsalita sa kanya si Enchong na gagawin nito ang lahat para mapatawad lamang niya.
“Gusto niyo ba pasayawin natin siya dito [Davao stage]?" tanong ni Bautista-Lim.
Malakas na “dili!” [hindi] ang sagot ng mga kababayan niya.
“Ayaw niyo? Ayaw ninyong patawarin? Kayo ang nagsabi niyan, ha?
“Kidding aside, we have a lot of programs and projects [under DUMPER partylist] that we want to continue…” ani Bautista-Lim.
Cyber libel na nagkakahalaga ng nakakagulantang na isang bilyong piso (P500 million para sa moral damages at P500 million para sa exemplary damages) ang kasong isinampa ni Bautista laban kay Enchong dahil sa tweet ng aktor tungkol sa kasal nila ng asawa niya na idinaos sa Balesin Island Resort, Polillo, Quezon noong August 11, 2021.
Tweet ni Enchong noong August 14, 2021: “The money for commuters and drivers went to her wedding. Let’s not prolong this conversation and don’t say otherwise.”
Makalipas ang ilang araw, August 18, humingi ng paumanhin si Enchong kay Bautista, sa asawa nito, sa kanyang pamilya, at sa DUMPER partylist.
Pero itinuloy pa rin ng complainant ang pagsasampa ng kaso sa Davao Occidental.
Noong January 31, 2022, boluntaryong sumuko si Enchong sa Quezon City branch ng National Bureau of Investigation. Nagbayad siya ng piyansang P48,000 para sa pansamantalang kalayaan dahil sa inilabas na arrest warrant para sa kanya.
Noong February 1, 2022, isang opisyal na pahayag ang ipinadala ng legal counsel ni Enchong sa media tungkol sa pagsuko ng kanyang kliyente sa NBI.
“Contrary to certain media reports, Enchong Dee has been attending to his professional and personal commitments in the past couple of days and has not made any attempt to evade arrest.
“More importantly, as a show of respect for the rule of law, he voluntarily surrendered himself to the authorities and posted bail.
“Moving forward, Enchong will take all the appropriate and necessary legal steps to defend himself against the impending lawsuit,” pahayag ng abogado ni Enchong.